MANILA, Philippines – Sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon na kapansin-pansin na ang quality control ang isa sa malaking problema ng DPWH.
Ayon kay Dizon, paulit-ulit niyang naririnig na reklamo ng mga tauhan at opisyales ng DPWH sa loob ng dalawang linggo niyang panunungkulan na hindi nila macheck ang mga proyekto na kanilang ipinapagawa.
Paliwanag umano sa kaniya ay dahil ito sa kawalan ng sapat na bilang ng tauhan para asikasuhin ang kalidad ng kanilang mga proyekto.
Aniya narinig niya ang mga reklamong ito mula kay Henry Alcantara, at sa iba pang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ito rin aniya ang parehong dahilan ng mga tauhan ng Oriental Mindoro sa kaniya ng matanong ang mga ito.
Idinadahilan din ani Dizon ng mga tauhan ng DPWH ang dami ng proyekto kaya hindi nila namomonitor ang kalidad ng mga inprastraktura.
Giit ng kalihim, kailangan magbago ang nabanggit na sistema at hindi aniya pupwede ito sa kaniyang panunungkulan. Jocelyn Tabangcura-Domenden