Home HOME BANNER STORY Quiboloy ‘di nakita sa 16 oras nang paggalugad sa KOJC compound

Quiboloy ‘di nakita sa 16 oras nang paggalugad sa KOJC compound

MANILA, Philippines – Hindi nakita ng Police Regional Office XI ang puganteng pastor na si Apollo Quiboloy at mga kasamahan nito matapos ang 16 oras na search operations nitong Sabado, Agosto 24.

Ayon kay PRO XI director Brigadier General Nicolas Torre III, isa sa mga nagging pagsubok nila ay ang lawak ng compound ng Kingdom of Jesus Christ na aabot sa 30 ektarya.

“Kami sa loob nagkakawala-wala eh. Sa laki ng lugar, sa dami ng mga lusutan, kami mismo nagkakawala-wala. Kami nga, nagkakahiwa-hiwalay sa loob,” ani Torre.

“So uulit kami bukas, nakita na naman namin ang layout. Uulit kami bukas, hahanapin namin. Ito ay sa tingin ni Mr. Quiboloy ay larong tagu-taguan sa loob ng 30-hectare compound niya,” dagdag niya.

Matatandaan na 2,000 pulis ang itinalaga Sabado ng umaga para lusubin ang compound at tugisin si Quiboloy.

Ani Torre, nasa 1/4 lamang ng buong compound ang kanilang nasuyod.

Inalerto na niya ang mga tauhan sa PNP sa natanggap na impormasyong planong tulungan ng mga miyembro ng KOJC si Quiboloy para makatakas sa compound.

“Andiyan sa loob. Itatakas ngayong gabi. May information kami na may mga sistema silang pinag-iisipan kung paano ilabas si Mr. Quiboloy,” aniya. RNT/JGC