MANILA, Philippines – Hinamon ni Senador Risa Hontiveros on Monday si Pastor Apollo Quiboloy na huwag magtago at humarap na sa Senado.
Sa kasalukuyan ay itinuturing nang pugante ng mga awtoridad ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) matapos na bigong matunton si Quiboloy kasunod ng paglalabas ng Davao court ng warrant of arrest laban sa kanya.
Si Quiboloy at lima iba pa ay sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“Pastor Quiboloy, lumabas ka na sa lungga mo. Tutal nagpapa interview ka na rin sa mga vlogger, aba, magpainterview ka na rin sa amin sa Senado,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
“Hindi naman naitago ng mga audio file na yan ang takot mo matapos umalingasaw ang katotohanan,” dagdag pa niya.
Ang tinutukoy ni Hontiveros ay ang pinakahuling pahayag ni Quiboloy na mas nanaisin pa umano niyang mamatay kaysa mahuli ng mga awtoridad.
Dagdag pa ng “Appointed Son of God,” susuko lamang umano siya kung may garantiya na hindi makikialam ang Amerika sa mga kasong inihain laban sa kanya.
Si Quiboloy ay kabilang sa most wanted list ng US Federal Bureau of Investigation dahil sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, at coercion, sex trafficking ng mga bata, at bulk cash smuggling.
Samantala, binira rin ni Quiboloy si Hontiveros at sinabing ang pinangungunahan nitong mga pagdinig ay “bogus hearings.”
“Wala kang katiting na ebidensya laban sa aming mga matatapang na witnesses. At wala kang karapatang siraan ang institusyon ng Senado at ang mandato nito,” tugon ni Hontiveros dito.
“Kung totoong matapang ka, ulitin mo lahat ng sinabi mo tungkol sa Senado, dito sa Senado. Make your words part of the record. Record your shameless audacity in history.”
“Patunayan mong ganyan pa rin kabastos ang mga salita mo kapag kaharap mo na kaming mga Senador. Hindi ka namin uurungan,” pagpapatuloy ni Hontiveros. RNT/JGC