Home NATIONWIDE Taiwanese national kulong sa pag-atake sa transwoman

Taiwanese national kulong sa pag-atake sa transwoman

MANILA, Philippines – Kulong ang isang Taiwanese national matapos na atakehin ang isang transwoman nitong Linggo, Abril 7 sa Cebu City.

Ayon sa pulisya, itinurn-over ang 32-anyos na foreigner sa kanilang kustodiya dahil sa pananakita sa transwoman.

Inakusahan naman ng Taiwanese national na kinilalang si Cheng-Shin Shen, ang transwoman sa pamba-blackmail, catfishing at sinubukan pa umano siyang nakawan.

Nangyari ang insidente sa loob ng isang motel sa North Reclamation Area (NRA) alas-9 ng gabi, kung saan nakipagkita si Cheng sa transwoman na kinilala naman sa pangalang Crisward Lansang.

Batay sa police report, itinulak ni Cheng at inatake pa nito si Lansang sa loob ng motel. Nagresulta ito sa injury sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng trans.

Sa kabila nito, inakusahan ni Cheng si Lansang ng catfishing at blackmailing dahilan para atakehin niya ito bilang ‘self-defense.’

Ayon sa Taiwanese, nagkasundo ang dalawa na magkita sa motel matapos ang kanilang pag-uusap sa dating app.

Nang magkita na, laking gulat ni Cheng nang malaman na transwoman pala si Lansang.

Dahil dito ay sinubukan ng dayuhan na itigil na ang kanilang ugnayan, ngunit bigla na lamang umanong dumating ang mga kaibigan ni Lansang at kinorner na ito.

Sinubukan umano ng mga ito na i-blackmail si Cheng at nanghihingi ng bayad na P10,000.

Nang tumanggi ay dito na umano kinuha ng grupo ni Lansang ang kanyang wallet at smartphone, dahilan para itulak niya si Lansang. Tumama ang ulo ni Lansang sa lamesa.

Bilang ganti ay itinulak naman ng mga kaibigan ni Lansang si Cheng.

Kasalukuyan naka-ditene sa Mabolo Police Station si Cheng.

Samantala, sa panayam sa radyo, itinanggi ng kaibigan ni Lansang ang mga paratang ng Taiwanese national. RNT/JGC