ISINUSULAT natin ang pitak na ito, patuloy ang Philippine National Police sa paghahanap kay Pastor Apollo Quiboloy sa mismong compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City.
Humantong pa ang PNP sa paghuhukay ng lupa sa compound sa hinalang nagtatago sa isang tunnel o bunker ang KOJC leader at mga kasapakat umano niya sa kinakaharap na mga kaso.
Ayon sa PNP, hindi sila titigil sa paghahanap hanggang hindi nahuhuli si Quiboloy…
Kahit pa makarating sa IMPIYERNO.
Hala! Me ganun?
@@@
Pero maraming nagulat nang tanungin ng media si VP Inday Sara kung nasaan na si Quiboloy.
Ang sabi ni Inday, wala na sa Pilipinas si Quiboloy. Nasa “LANGIT” na raw ang wanted na pastor. Ache, che.
May pinagmanahan talaga itong si Inday sa kanyang ama. Mahilig MAGPATAWA, gayong hindi naman KALBO. Hak, hak, hak!
@@@
Baka nga totoong nasa LANGIT na si QUIBULOK, este, Quiboloy pala.
E hindi ba, siya ang “Adopted Son of God”?, sabi niya.
Kung nasa LANGIT na si Quiboloy, aba’y mabuti naman dahil nangangahulugan ito na KINUHA NA SIYA NI LORD.
Mabuti pa ngang KUNIN na siya ni LORD nang matapos na ang IMPIYERNONG buhay ng mga taga-Davao City na napeperwisyo na ang pang-araw-araw na gawain dahil sa bata-batalyong nakakalat na pulis.
At magandang kuhanin na siya ng LANGIT o kaya ng IMPIYERNO para MAGWAKAS na rin ang kanyang mga KABALBALAN!
@@@
Noong makatakas si ex-Bamban mayor Alice Guo sa bansa at hindi malaman kung paano siya nakatakas, nagbanta si Pangulong ‘Bebe M’ na may mga “ulong gugulong” dahil sa nangyari.
Kahapon ay nabalitang nahuli na si Guo sa Indonesia pero until now, wala pa tayong nabalitang “pinagulong na ulo” si ‘Bebe M’
Aba’y limpak-limpak na salapi raw ang pinawalan ni Guo para siya ay makatakas.
Pero wait tayo, magkakabukingan din yan kapag naiharap sa pagdinig sa Senado si Aling Alice.