Home OPINION MAG-INGAT SA HAZARDS NG KALAMIDAD

MAG-INGAT SA HAZARDS NG KALAMIDAD

TINATAWAG na safety and health hazards ang mga kondisyong maaring magdulot ng aksidente at sakit dala ng kalamidad. Ngayong tag-ulan, kinakailangang suriin at kilalanin ang mga hazard upang makontrol agad o makaiwas. Kabilang dito ang madulas na daan o hagdan; malakas na hangin; madilim na lagusan; kable ng kuryente at live wire; baradong alulod, kanal o pusali; manhole na walang takip; naipong tubig sa ibabaw ng mga ginagawang istruktura tulad ng tulay, building o bahay; pag-apaw ng dam, ilog, at iba pa; paglambot ng lupa sa bundok o kapatagan; at marami pang iba.

Mas mabuting ipagpaliban muna ang paglabas ng bahay kapag malakas ang umuulan. Kung may kailangang gawin sa labas, iwasang maglakad ng mabilis o tumakbo dahil madulas ang mga daan. Ugaliing humawak sa handrails kapag umaakyat o bumababa sa hagdanan. Dagdag na solusyon dito ang pagsusuot ng anti-slip na sapatos.

Kung magmamaneho, inspeksyunin muna ang sasakyan bago gamitin. Sa mga motorcycle rider, isuot nang maayos ang helmet.  Marami na tayong obserbasyon na ipinapatong lang ng driver ang helmet sa kanyang ulo o isinasabit sa braso. Ang masaklap pa, may ilang nagmamaneho na walang suot na helmet habang walang puknat sa kanilang unsafe act tulad ng over speeding. Kaya hindi nakapagtataka ang mas malalang injury kapag may aksidente.

Magsuot naman ng seatbelt ang driver at pasahero ng kotse, SUV’s, truck, buses at iba pang vehicle. Sundin ang safety signs at huminto lamang sa ligtas na lugar kung masyadong malakas ang ulan at hangin.

I-report sa kinauukulan ang mga baradong alulod, kanal o pusali gayon din ang mga manhole na walang takip. Gawaan din ng aksyon ang mga naipong tubig at maduming lugar na maaaring pamahayan ng lamok  partikular ang “Aedes aegypti” mosquito na nagdudulot ng dengue fever.

Maging alerto sa posibleng landslide at storm surge. Ihanda ang pamilya sa emergency evacuation lalo na kung malapit ang bahay sa bundok, dagat, ilog at dam. Alamin ang emergency hotline, lokasyon ng evacuation area at mga dapat dalhin sa paglikas in case of emergency.