Home NATIONWIDE Quiboloy sasailalim pa sa ibang medical tests – PNP

Quiboloy sasailalim pa sa ibang medical tests – PNP

MANILA, Philippines – Sasailalim pa sa ibang medical tests ang self-appointed son of God at detained Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Nobyembre 25.

“He is doing okay. However, ‘yung kanilang motion for another medical examination was approved by the court. So the PNP just complied with the court order,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.

Si Quiboloy, na nakadetain sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City, ay dinala sa Philippine Heart Center noong Nobyembre 8 matapos dumaing ng kakaiba sa dibdib.

Ibinalik siya sa detention facility noong Nobyembre 16.

Nitong Biyernes, pinayagan ng Pasig City court ang request ni Quiboloy na palawigin pa ang kanyang medical furlough hanggang Nobyembre 27 dahil naman sa dental issues.

Ayon kay Fajardo, dinala si Quiboloy sa
Philippine Heart Center nitong Sabado at ibabalik sa PNP Custodial Center sa Nobyembre 27.

Matatandaang ibinasura ng Pasig City court ang hiling ni Quiboloy na hospital arrest.

Si Quiboloy, nagsasabing siya ang bagong anak ng Diyos, ay nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208.

Nahaharap din ito sa mga kasong paglabag sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. RNT/JGC