MANILA, Philippines- Nagpasya ang World Health Organization (WHO) na manatili ang alerto sa mpox sa pinakamataas na lebel dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso sa ibat’t bang bansa.
Sumang-ayon ang WHO director-general sa payo ng International Health Regulations (IHR) Emergency Committee at nagpasya na ang pagtaas ng mpox ay patuloy na binubuo ng isang public health emergency of international concern.
Ginawa ang pagpapasya sa pagtatapos ng ikalawang pagpupulong ng IHR Emergency Committee sa paglobo ng mpox noong Nob. 22.
Inaasahang maglalabas sa susunod na linggo ang WHO ng “temporary recommendations” sa 196 IHR state parties kabilang ang Pilipinas.
Inuuri ng IHR ang mga karapatan at obligasyon ng mga bansa sa paghawak ng public health events at emerhensiya na potensyal na tatawid sa mga borders.
Ang mpox sa Pilipinas ay patuloy din ang mabagal na pagtaas bagama’t hindi naglalabas ang Department of Health ng regular na datos upang maiwasan ang pangamba at takot ng publiko.
Base sa datos ng DOH, mayroon nang 32 kaso ng mpox simula 2022. Karamihan sa mga kaso na nasa 23 ay naitala lamang simula Àgosto ngayong taon.
Ang huling mga kaso ay natukoy sa National Capital Region, Calabarzon at Cagayan Valley.
Binabantayan din ng DOH ang hinihinalang mpox case na naka-confine sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City na isang babae mula Malabang, Lanao del Sur, kung saan hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri mula sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City upang matukoy kung mayroon ngang mpox. Sakaling position ang resulta, ito ang kauna-unahang kaso ng mpox sa Mindanao region.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 13 kaso ng mpox sa CALABARZON.
Ang apat sa mga ito ay nasuri din na positibo sa Clade II variant. Jocelyn Tabangcura-Domenden