MANILA, Philippines – Nai-deport na ang puganteng Indonesian na kabilang sa 42 dayuhan na naaresto sa nilusob na business process outsourcing (BPO) compound sa Bagac, Bataan.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Viado, si Handoyo Salman, 40, na wanted sa Indonesia dahil sa kaugnayan sa scamming activities, money laundering, at online gambling ay napauwi na dahil sa pagiging undesirable alien.
Sumasailalim pa sa deportation proceedings ang mga nalalabing dayuhan ngunit ang kanilang “physical custody has been transferred under recognizance to Bataan Representative Albert Garcia and their legal counsel,” saad sa pahayag ni Viado.
“All 41 foreign nationals are still registered in our system, with cases ongoing. Should they be found liable, they will also face deportation in accordance with Philippine law,” dagdag ni Viado.
Hawak na ng BI ang mga pasaporte ng mga dayuhan, maging ang kanilang mga pangalan na inilagay na sa hold departure list.
Noong nakaraang buwan, matatandaan na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang Central One Bataan dahil sa umano’y labor trafficking. Naaresto rito ang 42 dayuhan.
Samantala, itinanggi ng CEO ng Central One Bataan ang mga akusasyon laban sa kompanya. RNT/JGC