MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Philippine National Police ( PNP) na dinala ang nakaditineng si Kingdom of Jesus Christ Leader Apollo Quiboloy sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) nitong Miyerkules ng gabi mula sa Philippine Heart Center.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, dinala si Quiboloy sa Philippine Children’s Hospital bandang alas-8:49 ng gabi para sa pagsusuri dahil ang kagamitang kinakailangan para sa medical tests ay hindi available sa Philippine Heart Center.
Ani Fajardo, ang paglilipat kay Quiboloy sa ospital ay alinsunod sa court order, subalit matapos ang mga test, ibinalik na ang pastor sa Philippine Heart Center dakong alas-9:10 ng gabi.
Hindi naman tinukoy ni Fajardo ang partikular na medical tests na isinagawa kay Quiboloy sa PCMC.
“Pursuant to an order from the court ay dinala mga around 8:49 p.m. kagabi si Apollo Quiboloy from the Philippine Heart Center ay dinala siya sa Philippine Children’s Hospital, magkalapit lang naman yan to undergo some test that would require the use of a certain equipment and mga around 9:10 p.m. ay naibalik na rin siya sa PHC,” pahayag ni Fajardo.
Mananatili si Quiboloy sa Philippine Heart Center hanggang Sabado bago ibalik sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ng alas-5 ng hapon sa Nobyembre 16, batay sa kautusan ng korte.
Batay kay Fajardo, halos kumpleto na ang serye ng medical tests para kay Quiboloy sa Philippine Heart Center.
“May mga medical abstract na po na pinadala sa PNP but I’m not at liberty to discuss yung mga medical findings. Let us wait po na matapos po ng lahat nitong mga test. As of kagabi po ay may isa pa pong test na isinagawa but yung iba pong mga test ay tapos na, may mga results na rin po but let us wait po na matapos yung mga test at po-providan naman po ang PNP General Hospital ng kopya po na ito and we will take our cue from courts kung ano po yung mga nexrt developments,” dagdag ni Fajardo. RNT/SA