Home NATIONWIDE Rabies awareness program sa Ilocos pinaigting

Rabies awareness program sa Ilocos pinaigting

MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng Ilocos Region ang rabies awareness program nito para itaas ang kamalayan ng publiko sa panganib ng virus matapos naitala ang anim na kaso ng rabies sa unang quarter ngayong taon.

Mula Enero 1 hanggang Marso 9, nakapagtala ang probinsya ng Pangasinan ng kabuuang 3 hinihinalang kaso habang dalawa sa La Union at isa sa Ilocos Norte.

“Ang problema sa rabies ay patuloy pa rin po na nagbibigay ng suliranin sa ating bansa. Kaya importante na magtulong-tulong po tayo kasama ang mga lokal na pamahalaan upang pagtibayin ang programang anti-rabies gaya ng pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga pet owners, pagbabakuna sa ating mga alagang aso at pusa and to ensure that anti-rabies vaccines are accessible in all animal bite centers,” binigyan-diin ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco.

Ayon sa Regional Epidemiological Surveillance Unit (RESU), ang naturang kabuuang bilang ay 100.0 percent na mas mataas kumpara sa bilang ng mga kaso na naiulat sa parehong panahon noong 2023 na may tatlong mga kaso.

Sinabi ni Sydiongco na ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng rabies ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga may-ari ng alagang hayop na i-renew ang kanilang pangako sa responsableng pagmamay-ari ng alagang hayop, hindi lamang upang pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga alagang hayop kundi maging ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga pamilya at komunidad.

Nagsagawa rin ang regional office ng Rabies Awareness Month Celebration na may temang Rabies -Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Bawat Pamilyang Pilipino” sa San Nicolas, Ilocos Norte noong Marso upang magbigay ng kamalayan sa panganib ng rabies. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMag-ama pinagbabaril sa Laguna
Next article9 na insidente ng pagkalunod naitala sa Ilocos