Home METRO Railings sa Makati flyover inararo ng SUV!

Railings sa Makati flyover inararo ng SUV!

MANILA, Philippines- Sugatan ang isang driver matapos araruhin ng kanyang minamanehong sports utility vehicle (SUV) ang railings ng Rockwell flyover sa Makati na nagresulta ng pagkakakalas ng tatlong railings kung saan ang isa rito ay bumagsak sa dumaraang taxi sa ilalim ng nabanggit na flyover sa EDSA Linggo ng umaga (Pebrero 4).

Inabot pa ang 30 minuto bago mailabas ng kanyang sasakyan ang biktima na kinilala lamang sa alyas na Jose na agad namang dinala sa pinakamalapit na ospital.

Base sa report na nakalap sa Metro Manila Development Authority (MMDA), naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga habang paakyat ng Rockwell flyover ang kulay gray na Toyota Fortuner na may plakang NHJ 6575 na minamaneho ng biktima.

Sa hindi pa malamang dahilan ay sinuyod ng SUV ang railings at sa lakas ng impact ay pumutok ang dalawang airbags nito, natanggal ang gulong sa kanang bahagi sa unahan ng sasakyan at nakalas din ang tatlong railings kung saan nahulog ang isa sa mga railings gayundin ang isang piraso ng bakal sa ilalim na bumagsak naman sa nagdadaang Ken taxi na may plakang NHI 4626 habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA patungong Pasay.

Nagresulta naman ng pagkabasag sa kanang bahagi ng headlight at pagkabasag din ng salamin sa likuran ng nabanggit na taxi dahil sa pagkakabagsak ng nahulog na piraso ng bakal at ng nahulog na railings.

Panandaliang nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar dahil isang lane na lamang ang nadaraanan ng mga motorista na patungo ng Rockwell. James I. Catapusan