Home NATIONWIDE Eksperto nagpaalala sa mga kalalakihan: Magpasuri para sa prostate cancer

Eksperto nagpaalala sa mga kalalakihan: Magpasuri para sa prostate cancer

MANILA, Phillippines- Ika-apat sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga kalalakihan sa Pilipinas kasunod ng lung at colorectum cancers ang prostate cancer ayon sa Department of Health (DOH).

Ang panganib para sa  sakit na ito ay tumataas sa edad kaya ang maagang pagtuklas ay ang susi upang ito ay maiwasan.

Una na ring nagbabala ang World Health Organization (WHO) cancer agency na ang bilang ng mga bagong kaso ng mga kanser ay tataas sa higit sa 35 milyon sa 2050. Mas mataas ito ng 77 porsyento kaysa sa bilang noong 2022 kasama na rito ang prostate cancer.

Sinabi naman ni Dr. Vanessa Geron ng Philippine Urological Association (PUA), sa huling araw ng Watsons Health Expo 2024 –ang unang pinakamalaking health and wellness expo sa bansa– na posibleng magkaroon ng maagang prostate ang kalalakihan sa edad na 40 kapag ito ay namamana pero karamiwan ay nakukuha ito ng mga kalalakihan mula edad 50.

Ayon kay Dr. Geron, umabot sa 1.4 milyong ang bagong kaso ng prostate noong 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa buong mundo kung saan maraming nakitang nasa advance stage lalo na mga nakatatanda dahil sa ipinatupad na restrictions.

Sa nasabi ring taon ay inihayag ng WHO na bawat araw, walong kaso ng prostate cancer ang natutukoy sa mga kalalakihang Pilipino. Ika-siyam naman ito sa bilang ng mga pinakamaraming cancer na namamatay sa bansa.

Isa sa 100 lalaki naman ang maaring mamatay dahil sa prostate cancer bago mag edad 75.

“The rapidly-growing global cancer burden reflects both population ageing and growth, as well as changes to people’s exposure to risk factors, several of which are associated with socioeconomic development,” ayon sa WHO.

Hinimok ni Dr. Geron ang mga kalalakihan na maagang magpasuri o magpa-screen upang agad na maagapan. Aniya, kapag may diagnosis na kasi ay mas mahirap nang gamutin.

Paalala ni Dr. Geron, sa mas maagang pagpapakonsulta ay mas malaki ang tiyansa na maagapan o maiwasan ang cancer.

Sinabi ng eksperto na isinusulong nila ang kamalayan dahil malaki itong problema sa kalusugan kaya naman magkakaroon ng Men’s Health Awareness ang PUA sa Hunyo 22, 2024 na tinawag na “TAYo NAMAN” kasabay ng pagdiriwang ng Prostate Cancer Awareness Month.

Maaring matuklasan nang maaga ang prostate cancer sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo ng lalaki sa dami ng prostate-specific antigen (PSA) at sa pamamagitan ng digital rectal exam (DRE).

Paliwanag ng eksperto, maituturing na sintomas ng late stage kapag lumabas na ang mga sintomas o may nararamdaman nang pananakit ng balakang, hirap o may dugo sa pag-ihi.

Ayon sa DOH, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ang pinakamahalang sandata ng publiko laban sa prostate cancer at iba pang mga sakit.

Ang maagang pagtukoy sa mga sintomas at kaalaman kung kailan nararapat sumailalim sa pagsusuri o screening ang mga paraan upang maagang matuklasan at maagapan ang prostate cancer, ayon pa kay Dr. Geron. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleRailings sa Makati flyover inararo ng SUV!
Next articleSa pagsisimula ng RBH6 hearing oposisyon magbabantay – solon