Home NATIONWIDE Sa pagsisimula ng RBH6 hearing oposisyon magbabantay – solon

Sa pagsisimula ng RBH6 hearing oposisyon magbabantay – solon

MANILA, Philippines- Nakabantay ang oposisyon sa Senado sa pagsisimula ng pagtalakay sa Resolution of Both Houses No 6 na tatalakay sa economic provision ng 1987 Constitution sa pangunguna ni Senador Edgardo “Sonny” Angara.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate sub-committee on constitutional amendments and revision of codes na pinamunuan ni Angara, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na nakabantay ang oposisyon laban sa anumang pagtatangkang galawin ang paglusaw ng demokrasya tulad ng nabigong pekeng peoples’ initiative.

Kasabay nito, hinamon naman ni Senador Alan Peter Cayetano ang Senado na magkaroon ng mas malalim na talakayan sa RBH6 upang mahimay nang husto ang kinakailangang pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas.

“Kaya salamat po sa pagkakataong pag-usapan ito, dahil magbabantay talaga ako na hindi tayo mahaluan ng mga panukalang mag-papahina lang sa ating demokrasya. I will definitely be one of those not to allow any provisions that will make our critical industries and institutions, and our irreplaceable resources, vulnerable to foreign takeover and exploitation,” ayon kay Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na tulad ng ibang sektor at nagpapanggap na lider ng bayan na nagsimula ng pekeng PI, mas madaling sisihin ang walang kamalay-malay na dokumento kaysa sisihin ang mga totoong dahilan: korapsyon, red tape, malabong burukrasya, at mataas na singil ng kuryente ang nagtataboy sa mga lokal at dayuhang investor. 

“Walang pananagutan ang 1987 Constitution sa mga bagay na yon,” giit ni Hontiveros.

Una sa lahat, paliwanag ng deputy minority leader, walang katotohanan ang sinasabing masyadong “restrictive” ang 1987 Constitutions bagkus lubhang “nakabukas ang ating tindahan” sa sinumang gustong mamuhunan, dayuhan man o lokal.

“We have introduced numerous legislation that have already liberalized our sectors. Ilan lang dito ang RA 10641, or amendments to the Foreign Bank Liberalization Act, the Retail Trade Liberalization Act, the Public Service Act, the Foreign Investments Act. So much of the Philippine economy is already open to foreign participation,” giit niya.

Inihalimbawa din ni Hontiveros ang mahigpit na patakaran ng Singapore, Thailand at Indonesia na nakatakda sa kanilang Saligang Batas dahil may pinoprotektaahan silang industriya kaya’t hindi pinapapasok ang dayuhan sa partikular na sektor.

“Kung restrictions lang sa ekonomiya ang pag-uusapan, yung ating kapitbahay na Singapore, namamayagpag kahit na may restrictions sa critical industries at public utilities. Ang ibang bansa sa ASEAN gaya ng Thailand at Indonesia, may kanya kanya ding industriya na inaalagaan. E tayo? Kulelat pa rin, kahit maluwag na nga ang ekonomiya at marami nang probisyon para makapasok ang pera,” paliwanag niya.

Kaya nasambit ni Hontiveros sa pagdinig na hindi solusyon ang charter change na tatalakay sa economic provision upang mabawasan ang tunay na iniinda ng bansa.

“Yung mismong roadmap nga ng pamahalaan sa pag-unlad, ang Philippine Development Plan 2023-2028, wala ding nabanggit na dapat mag-ChaCha para dumami ang trabaho, puksain ang kahirapan at pataasin ang kalidad ng buhay ng bansa. Wala ito sa napag-usapan,” giit niya.

“Kaya wag sana nating gawing collateral damage ang Konstitusyon, ang mismong kaluluwa ng bansa. We, the Filipino people, will determine our destiny, hindi yung ambisyon lang ng iilan,” paliwanag pa ni Hontiveros na tila pinariringgan si House Speaker Martin Romualdez na sinasabing promotor ng pekeng PI.

Kasabay nito, hinimok ni Cayetano ang lahat ng miyembro ng Senado payagan ang mas malawak na diskusyon sa panukalang amyendahan ang ilang probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution.

“We hope that the Senate can be the kind of institution that will have healthy debates, where all ideas are welcome,” ani Cayetano.

Inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kasama nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Angara ang RBH 6. 

Nakatakdang harapin ngayon ng Senado ang tatlong iminungkahing pagbabago sa ekonomiya: serbisyong pampubliko, edukasyon, at advertising.

Sinabi ni Cayetano na mahalagang magkaroon ng balanseng pag-uusap hinggil dito  

Aniya, maraming “malalalim na isyu” ang kinakailangang pag-usapan sa Konstitusyon.

“If you talk about actual constitutional change, merong mga malalalim na isyu na dapat talagang pag-usapan. I understand if we want to spend our political capital on amending economic provisions kasi malaki ang balik nito eh. Maraming positive na effect ito,” wika niya.

Dagdag niya, ang Peoples’ Initiative (PI), na nagdulot ng kaguluhan sa mga miyembro ng Senado at Kongreso, ay hindi dapat masyadong bigyang-pansin.

“‘Kapag binaboy at mali ‘yong proseso, mali na ‘tong lahat… Remember, the Senate and House are two halves of one whole… We have to be wary, where we want to spend our political capital,” wika ng senador tungkol sa mga shortcut na gustong ipanukala ng PI. Ernie Reyes

Previous articleEksperto nagpaalala sa mga kalalakihan: Magpasuri para sa prostate cancer
Next articleKamara nakaalerto sa banta sa mga mambabatas