Home METRO Overstaying South African nat’l arestado ng BI

Overstaying South African nat’l arestado ng BI

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na inaresto ng kanilang mga tauhan ang isang overstaying na South African national sa Legazpi City, Albay.

Sa report kay BI Commissioner Norman Tansingco ng mga operatiba ng BI regional intelligence operations unit (RIOU), kinilala ang naaresto na si Benjamin Michael Theron sa kahabaan ng Sikatuna Street, Brgy. 13 Ilawod West, Legazpi City, Albay sa pakikipagtulungan ng Philippine Air Force Tactical Operations Group-5 (PAF TOG-5), National Intelligence Coordinating Agency-5 (NICA-5), Naval Forces Southern Luzon (NFSL), at mga lokal na awtoridad.

Ang pagkakaaresto kay Theron ay bunsod sa mission order na inisyu ng Tansingco dahil sa sumbong na natanggap mula sa dating live-in partner ng dayuhan dahil sa panggugulo nito sa kanilang komunidad.

Batay sa rekord, si Theron ay overstaying na sa bansa simula pa na noong 2018 at expired na ang visa nito ng tatlong taon.

Isang employer ni Theron ang nakialam sa operasyon pero tumahimik ito nang makita ang mission order laban sa una.

Sinabi ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. na sinumang indibidwal na mamagitan, umarbor o magbigay ng tulong sa isang overstaying national ay mahaharap din sa paglabag sa Philippine immigration act of 1940, kung saan nagbabawal ang pag-arbor sa isang ilegal na dayuhan.

Matapos naaresto, si Theron ay dinala sa tanggapan ng BI sa Intramuros pa sa booking procedures saka dadalhin sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig City. JAY Reyes