MANILA, Philippines- Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na parusahan ang mga nagpapautang para mapigilan ang mga ito na tanggapin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cash cards bilang kolateral o panggarantiya mula sa mga mangungutang.
Ipinanukala ng 4Ps National Program Management Office (NPMO) ng DSWD na amyendahan ang Republic Act No. 11310, o mas kilala bilang 4Ps Law, na magpaparusa sa mga nagpapautang dahil sa pagtanggap ng mga ito ng cash cards bilang sangla.
Sa ngayon, ang parusa para sa nagpe-prenda ng kanilang cash cards sa mga nagpapautang ay ang pag-alis sa kanila bilang benepisaryo ng programa ng 4Ps.
Hinikayat naman ni Director Gemma Gabuya, National Program Manager ng 4Ps, ang mga benepisaryo na iwasang makipagkasundo sa mga nagpapautang at iprenda ang kanilang cash cards.
“Nag-iispot check kami during the family development sessions na dapat dala nila ang ATM, dahil bawal ‘yun [pagsasanla ng 4Ps cash card]. They can be delisted from the program,” ayon kay Gabuya.
Pinayuhan din nito ang mga 4Ps beneficiaries na maging modelong mamamayan na sumusunod sa alituntunin ng programa dahil maaari silang mawala sa listahan dahil sa kanilang “misbehavior” matapos ang tatlong babala kung matutuklasan na ginagamit nilang kolateral ang kanilang cash cards sa mga nagpapautang.
“You have to take care of the resources of the government. Ikaw dapat ang nag-momodel kung ano ang mukha ng programa,” ayon kay Gabuya.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan.
Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang edad 0 hanggang 18 taong gulang.
Kailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansiyal.
Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na naialpas sa kahirapan ang milyon-milyong tao sa buong mundo.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang punong aheniya ng pamahalaan na nangangasiwa sa 4Ps. Kris Jose