Home NATIONWIDE Railway at infrastructure development sa CamSur uunahin ng “Alyansa”

Railway at infrastructure development sa CamSur uunahin ng “Alyansa”

Camarines Sur – Isusulong ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial bets ang pagbabalik ng railiway system sa Camarines Sur at ang pagsasaayos ng mga kalsada.

Ang pangako ay binitiwan nina Alyansa bets Francis “Tol” Tolentino, Panfilo “Ping” Lacson, Benhur Abalos ar Erwin Tulfo—matapos na rin iparating sa kanila ng mga local officials ang problema sa lalawigan.

Sinabi ni Tolentino na habang ang ibang bansa ay tapos na sa kanilang major transport projects, ang Pilipinas ay wala pa rin.

Pinuna ni Tolentino ang palaging pangako ng China na magtatayo ng railway na hindi naman natutuloy.

“Ang China rin po ang nangako ng Mindanao railroad, hindi natuloy. Ang China rin po ang nangako nitong Bicol line, hindi natuloy. So siguro po panahon na para makita, hindi lamang po ng DOTr (Department of Transportation) kundi ng mga economic managers natin, ‘yung mga bansang mas may kapasidad, and I am referring to Korea, I am referring to Japan.” paliwanag ni Tolentino.

Para naman kay Lacson, korupsyon ang dahilan kung bakit problema pa rin ang imprastraktura sa bansa.

“Kailangan talaga matigil ‘yung corruption para umusad na ‘yung ating mga infrastructure projects. Ito talaga ‘yung laging bumabara sa ating pag-progress as a country,” ani Lacson.

Pangmatagalang transportation planning naman ang hirit ni Abalos, aniya, mass transport ang solusyon.

Para kay Tulfo dapat na tignan mabuti ang kalidad ng mga infrastructure projects at ito ang sya nyang prayoridad sa oras na maluklok sa Senado.

Tinuran nito na ilang kalsada ang paulit ulit na ginagawa subalit masisira lamang ng ilan buwan at muling ikukumpuni.

“Mayroon po talagang halong korapsyon ‘yan. It has to stop now,” paliwanag ni Tulfo.

Ang Alyansa ticket ay kinabibilangan nina Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, former Senator Manny Pacquiao, former Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Deputy Speaker Camille Villar. Gail Mendoza