Home NATIONWIDE Ramil Madriaga pinasasailalim ni Diokno sa kostudiya ng Kamara

Ramil Madriaga pinasasailalim ni Diokno sa kostudiya ng Kamara

160
0

MANILA, Philippines – Hiniling ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno sa House Committee on Justice na kunin sa kanilang kustodiya si Ramil Madriaga, isang detainee na nagsabing siya umano ang bagman ni Vice President Sara Duterte, kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa bise presidente.

Sa liham na may petsang Marso 5, sinabi ni Diokno na si Madriaga ay “appears to be a material witness in the impeachment proceedings” at dapat ilipat mula sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City upang matiyak ang kanyang kaligtasan at pagiging available na tumestigo.

Nauna nang sinabi ni Madriaga na siya umano ang naghahatid ng malalaking halaga ng pera para kay Duterte at inilahad na pinondohan umano ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga drug lord ang pambansang kampanya nito.

Pinabulaanan naman ni Duterte ang mga alegasyon at sinabing si Madriaga, na “currently facing serious criminal charges and has a prior criminal record,” ay maaaring kumikilos dahil sa desperasyon upang makalaya.

“He is now disseminating false statements to government authorities as part of a concerted effort to obstruct and undermine my possible candidacy for President,” ani Duterte.

Noong nakaraang linggo ay nagsampa rin ang bise presidente ng perjury complaint laban kay Madriaga.

Samantala, sinabi ng legal team ni Madriaga na handa itong tumestigo sa impeachment proceedings laban kay Duterte.

Dalawang impeachment complaint laban sa bise presidente ang naunang idineklarang “sufficient in substance” sa botong 54-1, kung saan inaakusahan siya ng graft and corruption at ng pagbibigay umano ng death threat laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Hiniling din ni Diokno sa komite na kunin ang mahahalagang dokumento kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte para sa mga taong 2022–2025, 2007–2013, at 2016–2022.

Hiniling din niya sa Anti-Money Laundering Council na magbigay ng sertipikasyon kung may mga record ito ng kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan kay Duterte, gayundin ang mga rekord mula sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa imbestigasyon sa umano’y pagbabanta nito sa pamilya Marcos.

Sinang-ayunan ang mga mosyon nina Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila De Lima, Akbayan Rep. Percy Cendaña, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Inaasahang tatalakayin ng House justice committee ang mga kahilingan sa susunod na linggo habang naghahanda ito para sa evidentiary phase ng impeachment proceedings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here