Home OPINION RASYONAL NGA BA?

RASYONAL NGA BA?

TUWING ika-10 ng Marso ay ginugunita ang anibersaryo nang pagsasabatas ng Philippine Mining Act of 1995 o RA 7942. Layunin ng batas na ito na pangasiwaan ng maayos ang pagtukoy, paghukay, pagproseso,paggamit at pangangalaga ng yamang minerales ng Pilipinas. Ang Department of Environment and Natural Resources at ang Mines of Geosciences Bureau o MGB ang pangunahin ahensya sa pagpapatupad ng batas na ito.

Kung tatanungin mo ang mga minero, malaki raw ang kanilang ambag sa kalakalan at negosyo ng Pilipinas tulad ng bilyon-bilyong puhunan na pumapasok sa industriya ng pagmimina. Iba pa raw ang buwis na nakukuha ng gobyerno at ang libu-libong trabaho na dala ng kanilang mga proyekto. Bukod pa raw ang kanilang ambag sa social development projects na ginagawa tulad sa mga local government unit na may minahan, tulad daw ng mga scholarships, medical missions, livelihood projects at tulong nila sa panahon ng mga sakuna at disasters.

Sa kabilang banda, patuloy naman ang reklamo ng mga apektadong komunidad sa kasiraan at mga problemang dala-dala ng mga minahan. Pinakamalaking reklamo ay ang pagkasira ng kalikasan, dahil sa pagpuputol ng puno, paghuhukay sa loob ng gubat at ang pagdudumi sa mga ilog at baybaying-dagat ng mga minahan. Masama rin ang loob ng ilang mga katutubo dahil mayroong mga kaso na hindi kinilala at di inirerespeto ng ilang minahan ang kanilang mga desisyon na huwag minahin ang kanilang mga lupaing ninuno.

Medyo nagulat din ako kasi marami rin palang LGUs na hindi pumapayag na magmina sa kanilang lokalidad. Merong ban sa open pit mining ang lalawigan ng South Cotabato at meron mga lokal na ordinansa laban sa pagmimina sa Oriental Mindoro at Marinduque. Meron ding  mga pagtutol sa mina ang mga munisipyo ng Brooke’s Pt. (Palawan), Sta. Catalina (Negros Oriental), Cantilan (Surigao del Sur) at Mati (Davao Oriental).

Hindi naman natin maitatanggi na mayroong papel at ambag ang mga mineral sa pag-unlad ng bansa at sa pandaigidigang kalakalan. Pero dapat malinaw sa gobyerno at sa ating mga mamamayan kung paano at sino nga ba ang totoong makikinabang sa mga mineral natin.

Hindi lang yata dapat “responsableng pagmimina” ang ipatupad, kundi ang “rasyonal na pagmimina”. ‘Yan naman ang malinaw na nakasaad sa Section 2 ng Philippine Mining Act of 1995.

Previous articlePROTEKTADONG WELL-ORGANIZED CRIME GROUP SA BATANGAS CITY
Next article‘YANG KONTROBERSYA SA NFA