Home OPINION ‘YANG KONTROBERSYA SA NFA

‘YANG KONTROBERSYA SA NFA

KAILANGANG magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Department of Agriculture at Ombudsman hinggil sa kontrobersya sa National Food Authority kung saan nagkaroon umano ng iligal na bentahan ng 75,000 na mga sako ng bigas sa mababang presyo sa dalawang pinaborang negosyante.

Bagama’t suspendido na ang 137 na mga opisyal ng NFA subalit pinaniniwalaang may ilang malalaking isda sa kagawaran ang sangkot sa iskandalong ito kaya naman lumutang na collateral damage lang ang tinamaan ng kaso na mga empleyado.

Kung iisipin nga naman, maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi naman ididispatsa ng mga warehouse manager na kinasuhan ang nakaimbak na mga bigas kung walang pahintulot ng ilang opisyal na nakakatataas sa kanila.

Ilan na nga bang iskandalo sa loob ng ahensya ang bumulaga sa mata ng bayan kung saan sangkot ang ilang buwayang matataas na opisyal sa loob kagaya ng sindikato sa importasyon ng bigas, isda, karne at gulay?

Hindi ba’t matagal na panahong inupuan mismo ng Pangulo ang ahensyang ito upang matumbok ang mga tiwali sa departamento nang mapalayas at matuldukan na ang raket na nilumot na ng matagal na panahon?

At sa isyu ng bigas na ito,nagkakandarapa na nga ang kasalukuyang administrasyon sa paghahanap ng solusyon upang makabili ng murang bigas ang sambayanan ngunit nagpapasasa naman pala ang mga kumag sa NFA kaugnay sa kinita nila sa naganap na iligal na bentahan.

Batid ng mamamayan na ang nakaimbak na mga bigas na ‘yan ay bahagi ng kahandaan ng gobyerno laban sa anomang kalamidad na tumatama sa bansa subalit kung ibebenta lang naman pala ng mga kabron na ito eh ‘di ibinagsak na lang sana sa libo-libong bigasang bayan ng NFA sa mga palengke na sadyang mabibili pa ng mura ng pobreng mga kababayan kesa naman sa dalawa lang na negosyante sa bansa.

Hindi ba’t hayagang iligal talaga ang nangyaring bentahan dahil nalugi na nga ang ahensya, hindi pa pinakinabangan ng nakararaming mamamayan?

Kaya naman hangga’t hindi sinisipa ng gobyerno ang mga anay sa loob, hindi rin matitigil ang anomalya sa kagawaran na matagal nang pahirap sa mahihirap na magsasaka at mga kababayan.