Home OPINION TERORISMO SA RUSSIA TERORISMO SA PINAS

TERORISMO SA RUSSIA TERORISMO SA PINAS

POSIBLE bang mangyari sa Pinas ang naganap na terorismo sa Russia nitong nakaraang mga araw lamang?

Depende kung sino ang nag-uulat, nasa 133 hanggang 150 ang namatay habang mahigit 140 ang nasugatan nang salakayin ng mga terorista ang konsyerto sa Crocus Concert  Hall sa Moscow.

Apat na armado ng malalakas at awtomatikong baril ang namaril sa loob at labas ng nasabing hall na libo-libo ang laman para manood ng palabas ng sikat na bandang Picnic.

Bukod sa mga baril, naghagis din ang mga terorista ng mga granada at nakasusunog na bomba.

Marami sa mga namatay ang may tama ng baril ngunit marami rin ang namatay sa usok mula sa sunog sa lugar habang sa stampede namatay rin ang iba.

NAHULI NAMAN SILA

Makaraan ang pangyayari, mga Bro, tumakas ang mga suspek, sakay ng kotseng Ranault patungo sa Ukraine ngunit nasakote sila sa Bryansk ng nagtulong-tulong pwersa ng bansang Belarus, Russia at Chechen.

Sana totoo na sina Makhmadrasul Nasridinov, 27, Rivozhidin Ismonov, 51, Shokhindzhonn Safolzoda, 21, Rustam Nazarov, 29 ang mga nagsagawa ng masaker at nasa kamay na sila ngayon ng mga awtoridad.

Habang nakagapos, nakunan sila ng mga larawan sa mukha at sinasabing kusang loob silang umamin o umamin lang sila makaraan ang matinding imbestigasyon ng mga awtoridad.

May 11 lahat na magkakasabwat sa krimen at tila nahuli na sila lahat.

Kung puro terorista na padala ng ISIS-Khorasan ang mga suspek o kaya’y mga padala ng Ukraine para magsagawa ng karumal-dumal na krimen, wala pa talagang nakatitiyak.

Ngunit ang tiyak, patungo sila sa Ukraine sa hangganan ng Belarus at Russia nang mahuli sila.

MAG-INGAT LAHAT

AKTIBO ang mga terorista sa Pilipinas.

Posible ba silang maminsala ngayong Semana Santa na milyon-milyong Pinoy ang bumibiyahe at tumutungo sa iba’t ibang bahagi ng bansa?

Hindi malayong samantalahin nila ang pagkakataon ngayon.

Hindi na mabilang sa daliri ang kanilang mga pinaggagawa sa Pinas magsimula nang pasabugin nila ang LRT sa Blumentritt Station sa Manila noong Disyembre 30, 2000 na ikinamatay ng 22 katao at ikinasugat ng 100.

Binomba at pinalubog din ng mga terorista ang barkong Super Ferry 14 noong 2004 sa El Fraile na bunganga ng Manila Bay patungo sa West Philippine Sea na ikinamatay ng 116 katao mula sa nasa 900 pasahero.

MAGTULONG-TULONG LAHAT

Dapat na magtulong-tulong lahat para mapigilan ang mga gawang terorismo.

Hindi dapat ipasakamay lang sa mga awtoridad ang lahat ng laban sa mga terorista.

Malaki ang maitutulong ng mga mamamayan sa pagpigil mismo sa mga terorista sa iba’t ibang paraan.

Dahil mapangahas, armado at bayolente ang mga terorista, hindi nangangahulugan na wala silang katapat.

Kaya sila ng nagkakaisang mga mamamayan at awtoridad.

TERORISMO SA RUSSIA

Tinatalakay natin ang posibleng pag-atake ng mga terorista batay sa nangyari sa Russia na pamamaril na ikinasawi ng nasa 150 katao nitong nagdaang araw lamang.

 

Previous article‘YANG KONTROBERSYA SA NFA
Next articleForeman binoga sa ulo, patay