MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang apat na resolusyon hinggil sa ratipikasyon ng apat na pangdaigdigang tratado.
Walang tumutol na inaprubahan ng Senado ang resolusyon na kumakatig sa ratipikasyon ng International Labour Organization Convention No. 81 o ang Convention Concerning Labour Inspection in Industry and Commerce.
Pinaburan din ng Senado ang concurrence sa ratipikasyon ng tratado sa pagitan ng Pilipinas at Canada sa paglilipat ng sentensiyadong tao at Kooperasyon sa pagpapatupad ng parusang pagkakakulong.
Inaprubahan din ng Mataas na Kapulungan ang resolusyon na sumasang-ayon sa ratipikasyon ng Convention on Mutual Administrative Assistance in Tax Matters at resolusyon na kumakatig sa ratipikasyon ng Host Country Agreement Between the Philippine Government and the International Fund for Agricultural Development on the Establishment of IFAD’s Country Office.
Tumanggap ng 20 pabor na boto ang lahat ng resolusyon, walang tumutol at hindi bomoto. Ernie Reyes