
MANILA, Phiippines- Umapela ang mga residente ng Biñan City, Laguna sa Office of the Ombudsman hinggil sa kanilang reklamo laban sa mga local government official (LGU) ng kanilang lungsod bunsod ng kawalang-aksyon umano ng mga ito upang mapatigil ang reclamation project na isinasagawa sa Laguna Lake na isang paglabag umano sa kalikasan at kalusugan sa kanilang komunidad.
Sa kanilang sulat sa Office of the Ombudsman sinabi nina Ferdinand Oberos Tabsing, residente ng San Isidro Village, Brgy. Dela Paz, Biñan City, Laguna at Resurrecion Benite Buarao, residente ng Zone 7 Wawa Street, Brgy. Malaban, Biñan City, Laguna na sila ay humihiling ng tulong sa Ombudsman upang mabigyan ng agarang aksyon ang kanilang reklamo .
Nauna ng nagsampa ng reklamo ang mga residente ng Biñan City, Laguna sa Office of the Ombudsman laban sa kanilang LGU matapos umanong tambakan ng pamahalaang lungsod ng Biñan, Laguna nang walang kaukulang permiso ang mga daluyan ng tubig-baha at ang Laguna Lake sa Brgy. Malaban at Dela Paz.
Ayon pa sa apela ng mga residente sa Ombudsman, lubha umano silang nagtataka dahil tila hindi umano umuusad ang kanilang reklamo laban sa kanilang mga nakaupong local government official ng lungsod hinggil sa pagtatambak ng lupa sa mga daluyan ng tubig at Laguna Lake na nagiging dahilan ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar.
Nauna nang hiniling ng grupon SEEDS PH (Solidarity for Environmental Development and Sustainability) at mga residente ng Biñan City na mapatigil ang umano’y isinasagawang reclamation ng pamahalaang lungsod ng Biñan, Laguna sa Laguna Lake dahil apektado na umano ang kalikasan at kalusugan ng mga residente sa lugar.