Home HOME BANNER STORY Record-high rice output noong 2023 ipinagmalaki ni PBBM

Record-high rice output noong 2023 ipinagmalaki ni PBBM

MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang record-high rice production noong 2023.

“Dahil sa ating sama-samang pagsisikap, nagtamo tayo ng tala ng ani noong 2023 na umabot sa mahigit 20 milyong metric ton ng palay,” pahayag ni Marcos sa kanyang speech sa ceremonial palay harvesting at pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa Candaba, Pampanga nitong Sabado, Pebrero 3.

Kamakailan ay iniulat na nakapagtala ang Pilipinas ng record-high na production volume ng 20.06 milyong metriko tonelada ng palay noong 2023, mas mataas sa 19.76 million MT ng rice production noong 2022.

“Ito ay nagpapakita ng 1.5%, isa’t kalahating porsyento ng pagtaas mula sa nakaraang taon o dagdag na mahigit na 300,000 tonelada ng palay ang naidagdag sa nakaraang taon. Ang pamamahagi ng mas magandang uri ng binhi at pagbibigay ng malawakang suporta sa pataba ay siyang nagbunga ng positibong resulta na ito,” ani Marcos.

Idinagdag pa ng Pangulo na nakatulong sa overall value ng produksyon ang record-high rice volume sa P1.763 trilyon noong 2023, mas mataas sa P1.757 trillion level noong 2022.

Itinuturo ni Marcos ang pagtaas sa produksyon ng bigas sa pamamahagi ng pamahalaan ng high-quality seedlings at distribusyon ng mga fertilizer sa mga magsasaka.

Upang suportahan ang industriya ng bigas, naglaan ang pamahalaan ng P31 bilyon sa ilalim ng National Rice Program upang palakasin pa ang mga programa ng administrasyon katulad ng production support, extension services, research and development, at irrigation network services.

Idinagdag pa ng Pangulo na sasamantalahin din ng pamahalaan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund upang palakasin ang agriculture sector at tulungan ang mga magsasaka.

Malaking bahagi ng pondo ay gagamitin sa distribusyon ng tillers, tractors, seeders, threshers, rice planters, reapers, driers, at iba pa.

Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P10 billion sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund. RNT/JGC