MANILA, Philippines – Ang pag-recruit ng mga bata para sa sexual exploitation ay maituturing na trafficking kahit na walang pagbabanta, puwersa, o pamimilit.
Ito ang pinagtibay ng #KorteSuprema sa Desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen na kinatigan ang hatol kina Jhona Galeseo Villaria at Lourdes Aralar Maghirang para sa walong bilang ng qualified trafficking in persons.
Pinatawan ng Korte ang mga akusado ng habambuhay na pagkakakulong, multa na nagkakahalaga ng PHP 16 milyon, at pinagbabayad ng PHP 600,000 bilang danyos sa bawat biktima.
Taong 2016 nang maaresto sa isang entrapment operation ng Philippine National Police ang mga akusado matapos tumanggap ang mga ito ng marked money bilang bayad sa dinala nilang mga menor de edad na babae.
Ayon sa Korte, nangyayari ang trafficking kapag ang mga indibidwal ay ni-recruit, dinala, o inilipat ng lugar para sa mapagsamantalang layunin, kabilang ang prostitusyon, forced labor, slavery, o ang pagtanggal o pagbebenta ng mga parte ng katawan sa pamamagitan ng mga pagbabanta o paggamit ng puwersa, pamimilit, panlilinlang, pang-aabuso ng kapangyarihan, o pag-aalok ng pera.
Sinabi ng Korte na sa ilalim ng Section 3(a) ng Republic Act No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ang pag-recruit ng isang bata para sa sexual exploitation ay sapat na para maituring na trafficking.
Sa kasong ito, ni-recruit ng mga akusado ang mga menor de edad at inalok sila na sumali sa mga sekswal na aktibidad kapalit ng pera. Sinamantala nila ang kabataan at kahirapan ng mga biktima para makuha ang kanilang pahintulot. Teresa Tavares