Home OPINION RECTO: PAGSUNOD SA BATAS, HINDI KRIMEN

RECTO: PAGSUNOD SA BATAS, HINDI KRIMEN

232
0

ANO nga ba ang ginawa ni dating Finance Secretary at ngayon ay Executive Secretary Ralph Recto at hanggang ngayon ay may knahaharap siyang kaso?

Hindi dapat nagiging komplikado ang usapin kapag malinaw naman ang batas. Sa kaso ni Recto, simple lang ang katotohanan: sinunod niya ang General Appropriations Act na ipinasa ng Kongreso. Wala siyang inimbento, wala siyang binago, at wala siyang inilihim. Ipinatupad lamang niya ang malinaw na utos ng batas na may bisa noong panahong iyon.

Mahalagang tandaan na ang kapangyarihan sa pondo ng bayan ay nasa Kongreso, hindi sa isang opisyal lamang. Kaya nang ipatupad ni Recto ang probisyon ng GAA kaugnay ng pondo ng PhilHealth, hindi iyon personal na desisyon kundi pagsunod sa istriktong mandato ng lehislatura. Kung hindi niya ito ginawa, lalabas na lumabag siya sa batas.

Hindi rin minadali o tinapakan ang proseso. Bago mailipat ang pondo, dumaan ito sa Commission on Audit para sa clearance. Sinuri ito ng Office of the Government Corporate Counsel. Pinag-aralan ng Governance Commission for GOCCs. Inaprubahan ng PhilHealth Board. Lahat ng ahensyang dapat magsala at magbantay ay gumana. Walang lusot, walang shortcut.

Nang umabot sa Korte Suprema ang isyu, malinaw ang naging pahayag ng mga Mahistrado. Wala raw kriminal na pananagutan si Recto. Ayon sa Korte, hindi maaaring gawing krimen ang pagsunod sa isang batas na balido at umiiral noong panahong iyon. Binigyang-diin din ng Korte na ang good faith o mabuting intensyon ay mahalagang panangga laban sa pananagutan.

Mas lalong humihina ang kaso kung isasaalang-alang na ang sinasabing nawawalang P60 bilyon ay naibalik na. Hindi lang iyon, nadagdagan pa ang pondo ng PhilHealth. Sa 2026 budget, halos P130 bilyon na ang nakalaan dito. Mas malaki ang pondo, mas matibay ang institusyon, at mas handa itong magbigay ng benepisyo sa mga miyembro. Mas kaunti ang ilalabas na pera ng pasyente, mas maayos ang serbisyong matatanggap.

Kung tutuusin, walang ninakawan, walang lugi, at walang napinsala. Kaya ang tanong ng marami: bakit may kaso pa rin? Sa puntong ito, tila hindi na batas ang pinag-uusapan kundi motibo. At kapag ang pagsunod sa batas ay patuloy na pinaparusahan, ang tunay na talo ay ang tiwala ng mamamayan sa uri ng hustisya na mayroon sa bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here