Manila, Philippines- Makatatanggap ng marami pang benepisyo ang milyong miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit gamitin ang unutilized subsidies na binibigay ng pamahalaan para dagdagan ang pondo ng PhilHealth.
Ito ang binigyang-diin ni Finance Secretary Ralph Recto sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Health kasabay ng pahayag nito na sa kasalukuyan may P500 bilyong hawak ang government owned and controlled corporation, higit pa sa sapat para punan ang kasalukuyang benepisyo ng mga PhilHealth beneficiaries pati na rin ang bagong medical benefits na ininanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang State of the Nation Address.
“May natitirang P500 billion benefit chest fund ang PhilHealth. Ayon mismo sa kanila, labis-labis at kasyang-kasya ito sa mga bayarin para sa multi-year claims,” pahayag ni Recto sa komite.
Ayon sa dating senador, patuloy na tatanggap ang PhilHealth ng subsidiya sa pamahalaan at taliwas sa walang basehang tsismis, dadagdagan pa ng PhilHealth ang coverage para sa sa mga treatment o paggamot tulad ng kanser.
“Patuloy rin na tatanggap ng subsidiya ang PhilHealth mula sa pamahalaan. PhilHealth na mismo ang nagsabi na ni isang kusing, walang kaltas sa mga benepisyong matatanggap, batay sa kasalukuyang patakaran,” ani Recto.
“Bagkus, nabanggit pa nga ng Pangulo sa kanyang SONA na tataasan ang mga benepisyo ng PhilHealth para sa mga outpatient, mga may malulubhang karamdaman gaya ng cancer, at mga batang may kapansanan,” dagdag pa nito.
Sa kanyang ikatlong SONA, inihayag ni Marcos na dadagdagan ng PhilHealth ang bilang ng mga generic drugs para sa mga outpatient treatment sa 53 mula sa dating 21. Kabilang ang mga gamot para sa hypertension, nerve pain, at epileptic seizures
Dodoblehin din ng PhilHealth ang benepisyo para sa miyembro na na-stroke at pneumonia ng hanggang P76,090.
Dadagdagan din ang limit para sa breast cancer treatments para sa mga kasapi ng PhilHealth ng 1,000% kung saan gagawin na itong P1.4 milyon mula sa kasalukuyang P100,000. Bago magtapos ang taon, isasama din ng PhilHealth sa kanilasng benepisyo ang chemotheraphy para sa mga kanser sa baga, atay, obaryo at prostate.
Nilinaw pa ni Recto na hindi gagalawin ng pamahalaan ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth para sa paglipat ng pondo at ang tatapikin lamang ay ang hindi nagamit na government PhilHealth subsidies.
“Hindi po gagalawin ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth. Sapagkat ang pondo ay mula sa sobra at hindi nagagamit na pera ng PhilHealth mula sa hindi ginamit na subsidiya ng pamahalaan,” paliwanag ni Recto.
“There is no advocate more committed to higher health spending than the DOF,” dagdag pa ng dating senador, isa sa mga author ng Universal Health Care Act.
Binanggit pa ni Recto ang kanyang record bilang isang mambabatas at sinabi sa komite na bukod sa pagsulong ng mas mataas na sickness benefits at mabilis na pagproseso ng PhilHealth claims, dalawa sa kanyang mga adbokasiya – ang Doktor Para sa Bayan Act at ang Regional Medical Center Act – ay parehong batas na.
Ang kanyang pag-amyenda sa TRAIN Law and Sin Tax ay nagtanggal din sa sales tax sa mga gamot para sa diabetes, high cholesterol, hypertension, cancer, mental illness, tuberculosis at kidney diseases. RNT