MANILA, Philippines – Umaasa si Finance Secretary Ralph Recto na mas magiging stable na at abot-kaya ang presyo ng mga pagkain dahil sa toll rebates ng mga farm truck mula sa toll hike.
“This measure will prevent the second round effects of toll rate increases on food inflation and ensure that we keep food prices stable and affordable for our consumers,” saad sa pahayag ni Recto nitong Huwebes, Mayo 30.
Noong nakaraang linggo, opisyal na inilunsad ng Toll Regulatory Board kasama ang Department of Finance, Department of Transportation, Department of Agriculture, at toll roads concessionaires na Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) at SMC Tollways ang Agri-Trucks Toll Rebate Program.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng rebate ang DA-accredited truckers na katumbas ng toll hikes na ipinatupad mula Hunyo 2023, simula Hunyo 1, 2024.
Inisyal na tatakbo ang rebate program ng tatlong buwan at subject for review sa posibleng pagpapalawig pa nito, depende sa inflationary situation.
Inaasahang makikinabang dito ang 200 hanggang 300 farm product-carrying trucks na dumadaan sa mga expressway sa north at south Luzon.
Para makasali sa toll rebate program, dapat ay akreditado ng DA ang mga trucker at mayroong valid Autosweep o Easytrip RFID accounts.
Sa oras na ma-enroll at maaprubahan sa sistema, ang toll rebates ay iki-credit sa RFID accounts ng mga trucker tuwing Miyerkules ng kasunod na linggo.
Sakop ng toll rebate program ang mga motorista ng North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), Subic-Clark Expressway (SCTEX), at Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX). RNT/JGC