PANGASINAN, Philippines – Nananatiling positibo sa red tide toxin o paralytic shellfish poison ang karagatang sakop ng Anda at isa pang bayan sa Pangasinan, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Dahil dito, hindi pa rin ligtas kainin ang mga shellfish mula sa mga lugar na ito.
Sa Shellfish Bulletin No. 9 na inilabas noong Miyerkules, pinayuhan ng BFAR ang publiko na iwasan ang pagkain ng shellfish at “alamang” mula sa apektadong lugar. Ipinagbawal din ang pagkuha, pag-ani, pagbibiyahe, at pagbebenta ng mga ito hanggang hindi pa inaalis ang babala.
Gayunman, sinabi ng BFAR na ligtas pa ring kainin ang isda, pusit, alimango, at hipon mula sa mga lugar na ito kung sariwa, maayos na nalinis, at nahugasan bago lutuin.
Mahigit dalawang buwan nang naaapektuhan ng red tide ang mga nasabing lugar ngayong taon. Unang naitala ang toxin noong Enero 16, at naging ligtas ang tubig noong Pebrero 19. Ngunit bumalik ang red tide noong Pebrero 26 at nananatili pa rin hanggang ngayon.
Ayon kay Bolinao Mayor Jesus Celeste, bagama’t apektado ang ilang mangingisda, maaari pa rin silang mangisda at kumita.
Dagdag pa niya, ang pagbabawal sa pagkuha ng shellfish ay maaaring makatulong para lumaki at gumanda ang kalidad ng mga ito, kaya mas mataas ang presyo kapag pinayagan na ulit ang bentahan.
“The cooperation and vigilance of the public and all concerned stakeholders are earnestly sought in strictly observing this advisory to prevent health risks associated with red tide toxins. Authorities will continue to closely monitor the affected areas, and further updates will be issued accordingly,” ayon sa BFAR. RNT/MND