MANILA, Philippines – Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes nitong Miyerkules, Pebrero 5 na inaasahang sisimulan na sa Marso ng taong kasalukuyan ang rehabilitasyon ng EDSA.
Sa press briefing ng Palasyo, sinabi ni Artes na kabilang ito sa mga tinalakay kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes, para sa Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP) sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
”Napag-usapan po ‘yan kahapon, sinabi po ni DPWH Secretary (Manuel) Bonoan na ginagawa na po ‘yung timetable at ‘yung preliminary traffic management plan para po sa rehab ng EDSA,” ani Artes.
”Target pa rin po ay makapagsimula ng March para matapos po siya in time for the ASEAN… southbound lang po muna ang gagawin…” dagdag pa niya.
Tinukoy ni Artes ang mga pagsubok sa rehabilitasyon sa EDSA, kabilang ang drainage system.
Dagdag pa sa pinag-usapan ay ang ibang bahagi ng EDSA na walang masyadong alternatibong ruta.
”Ang challenge lamang po na napag-usapan kahapon kasi sasabayan na po ng paggawa ng drainage system sa EDSA para maiwasan iyong pagbabaha. Ni-raise lamang po natin iyong concern na since iyong drainage po ay nasa outer lane, marami pong utilities diyan eh,” ani Artes.
Layong tugunan ng rehabilitation project ang matagal nang isyu ng EDSA maging ang pagpapabuti ng overall commuting experience sa milyon-milyong Filipino. RNT/JGC