Home NATIONWIDE Reimbursement ng offloaded passengers, pinamamadali ni Chiz sa BI: ‘Ber months na...

Reimbursement ng offloaded passengers, pinamamadali ni Chiz sa BI: ‘Ber months na nganga pa rin sila’

Pinamamadali ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Bureau of Immigration (BI) ang pagbabayad sa nagastos ng libu-libong offloaded passenger na nakatakda sa probisyon ng badyet ng ahensiya.

Sa pahayag, ipinaalala ni Escudero ang isyu sa incoming Immigration Commissioner na pabilisin ang pagbabayad sa ginastos ng mga pasaherong naantala sa kanilang flight sanhi ng masalimuot na sistema ng BI sa papaalis na Filipino.

“’Ber’ months na, pero ni isang kusing wala pa ring nabayaran sa kahit isang paseherong naperwisyo,“ ayon kay Escudero.

“Ang bilis mag-offload, ang bagal naman mag-download ng reimbursement,“ dagdag ni Escudero.

Naunang kinuwestiyon ni Escudero ang isyu sa pagdinig ng badyet ng ahensiya para sa 2024, pero hanggang ngayon, walang nangyayaring reimbursement sa libu-libong pasahero na naantala ang flights.

Naunang inailagay ni Escudero ang isang special provision sa2024 General Appropriations Act na inatasan ang ahensiya na magsagawa ng reimbursement sa paserho na naiwan ng flight sanhi ng mahabang interogasyon ng immigration personnel sa di malamang kadahilanan.

Kukunin ang pondo sa unutilized collections ng BI na ibinalik sa Bureau of Treasury.

Ayon kay Escudero, kahit malinaw ang probisyon sa GAA, mukhang nagmamatigas ang kasangkot na ahensiya sa implementasyon nito.

“Hanggang ngayon wala pang guidelines,“ ayon kay Escudero.

Sinabi pa ni Escudero na “mumultuhin’ ang BI sa isyu ng pagbabayad hangga’t hindi ito nareresolbahan kapag nagsimula ang plenary debates sa 2025 national budget sa November.

“In the guise of fighting human trafficking, many have been unfairly and arbitrarily denied their right to travel, their fate at the hands of ‘gods’ at the airport gate,” ayon kay Escudero.

Nitong 2022 lamang, umabot sa 32,404 Filipino passengers ang hindi pinayagang makasakay ng kanilang flights, at tanging 472 ang napatunayang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.

“The almost 32,000 offloaded passengers could fill 177 narrow-body Airbus jets. Sa dinami-dami ng pinerwisyo niyo dahil sa hinalang biktima sila ng human trafficking, kakarampot lang ang lumalabas na totoong may kaso. There’s something wrong with this picture,” ayon kay Escudero.

Maraming pasahero ang hindi nakasakay ng kanilang flights kaya gumastos sila ng panibago para sa rebooking ng flights hotel reservations at food.

“I have personally heard of the plight of OFWs returning to their legal jobs abroad with little money left in their pockets—with some becoming instant refugees in their own land because some of their countrymen deemed them unfit for travel,” aniya.

“Hayaan nating ‘yung bansang kanilang pupuntahan ang tumingin at magtanong: Meron ka bang pambayad sa hotel? May insurance ka ba? Dahil bago sila inisyuhan ng visa hiningi na lahat ‘yan ng mga embassies,“ giit ni Escudero. Ernie Reyes