TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. araw ng Huwebes, na may masisibak sa puwesto sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa insidente ng oil spill matapos na lumubog ang tatlong motor tankers sa Bataan.
Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos sa isinagawang pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa mga mangingisda at kanilang pamilya sa Navotas City, sinabi ng Chief Executive na umusad na ang imbestigasyon hinggil sa oil spill incident para matukoy ang mga taong may pananagutan dito.
“Sa usapin naman ng imbestigasyon, tuloy-tuloy ang paghahanap natin ng sagot sa mga katanungang: May kinalaman ba ang mga barkong ito sa oil smuggling? Bakit ang dalawang barko, sa kabila ng walang rehistro ay napatakbo sa ating karagatan?”ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Lahat ito ay iniimbestigahan para tiyakin na pananagutin natin ang mga may sala,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa ulat, target nang tapusin ngayong linggo ng mga awtoridad ang siphoning operations para sa lumubog na motor tanker Terranova sa Bataan.
Sinabi ni Coast Guard Station-Bataan Lt. Commander Michael John Encina, na nagsimula na ang final approach para sa siphoning operation.
Umabot ng higit 1.3 milyong litro ng oily waste ang nakuha ng contracted salvor na Harbor Star mula August 19 hanggang Setyembre 9.
Samantala, sisimulan na rin ang installation ng mga sea water siphoning pipes o yung pagpapalutang sa MTKR Jason Bradley ngayong araw.
Inaasahan na kung magiging maayos ang panahon – mabilis na itong madadala at hihilahin papuntang Diving Industry Shipyard kung saan dinala rin ang MV Mirola 1. Kris Jose