Home NATIONWIDE Reklamo vs Recto sa P60-B PhilHealth fund transfer, pinabubuhay sa Ombudsman

Reklamo vs Recto sa P60-B PhilHealth fund transfer, pinabubuhay sa Ombudsman

1
0

MANILA, Philippines — Humiling sa Office of the Ombudsman ang isang grupo ng mga doktor at abogado na balikan at muling suriin ang desisyon nitong ibasura ang mga reklamong isinampa laban kina Acting Executive Secretary at dating Finance Secretary Ralph G. Recto at dating PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma Jr. kaugnay ng paglilipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

Sa motion for reconsideration na inihain nitong Huwebes, kinuwestiyon ng grupo ang June 2, 2026 resolution ng Ombudsman na nagbasura sa mga reklamong plunder, graft, technical malversation at grave misconduct dahil umano sa kakulangan ng ebidensya upang papanagutin ang mga opisyal.

Pinangunahan nina Atty. Rodel A. Taton, Dr. Cynthia C. Ng at iba pang medical at legal professionals ang paghahain ng mosyon. Ayon sa kanila, nabigo ang mga imbestigador ng Ombudsman na siyasatin kung sino ang tunay na nakinabang sa paglilipat ng pondo.

Tinukoy ng grupo ang naging papel ni Recto bilang miyembro ng bicameral conference committee para sa 2024 General Appropriations Act (GAA), kung saan umano ipinasok ang isang probisyon na nagbigay-daan sa paglilipat ng sobrang pondo ng mga government-owned and controlled corporations, kabilang ang PhilHealth, sa National Treasury.

Ayon sa mosyon, ang naturang probisyon ang naging batayan ng Department of Finance Circular No. 003-2024 na naglalayong ilipat ang P89 bilyong reserve funds ng PhilHealth.

“The sequence of events starting from the insertion of the Special Provision 1(d) in the 2024 GAA up until the transfer of the PHP 60 Billion from PhilHealth excess reserve funds to the National Treasury cannot belie the involvement of Respondents Recto and Respondent Ledesma who acquiesced to the former and should not be used as a justification to absolve him from any liability including Respondent Ledesma Jr.,” ayon sa mga nagreklamo.

Iginiit din ng grupo na nagkamali ang Ombudsman sa paghingi ng patunay ng criminal intent para sa kasong technical malversation, at binanggit ang umiiral na jurisprudence na nagsasabing ito ay isang mala prohibita offense.

Nag-ugat ang reklamo sa desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang iligal ang paglilipat ng P89 bilyong reserve funds ng PhilHealth at nag-utos na ihinto ang mga paglilipat at isauli ang pondo sa state insurer.

Nauna nang sinabi ni Recto na isa lamang harassment suit ang kaso at iginiit na ang paglilipat ng pondo ay pinahihintulutan ng 2024 General Appropriations Act. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here