Home METRO Relo, sapatos ng Australian na pinaslang sa Tagaytay nakitang suot ng suspek

Relo, sapatos ng Australian na pinaslang sa Tagaytay nakitang suot ng suspek

MANILA, Philippines- Lumakas ang ebidensya laban sa suspek sa pagpatay sa isang Australian citizen at dalawang Pinay sa Tagaytay City matapos makita sa isang CCTV footage na kinuha niya ang pagmamay-ari ng mga biktima, base sa ulat nitong Huwebes.

Makikita sa CCTV footage ang 31-anyos na suspek na naglalakad lampas alas-6 ng umaga mula sa hotel kung saan umano nito pinaslang ang mga biktima.

Natagpuan ang mga bangkay ng tatlong biktima sa loob ng isang hotel room noong Hulyo 10.

Sinabi ng mga pulis na nakasuot ang suspek ng rubber shoes na katulad ng suot ng Australian victim na si David Fisk, base sa larawan kung saan naglalakad ang dayuhan sa People’s Park bago siya pinatay.

“Yung rubber shoes na suot (ng suspect) ay same na rubber shoes na suot nung ating biktima na lalaki na si David Fisk na Australian national,” ani Tagaytay City Police chief P/Lt Col Charles Capagcuan.

Sa isa pang CCTV footage, makikitang suot ng suspek ang silver na relo sa kanyang pinagtatrabahuhan, isang araw matapos ang insidente.

Ayon sa mga awtoridad, ito ay pareho sa relong isinuot ng Australian.

Base pa sa mga pulis, nabawi na nila ang rubber shoes, relo at iba pang alahas na pagmamay-ari ng mga biktima.

“Sa pamamagitan ng mga ebidensyang aming nakolekta yun na nga ay yung mga alahas na nawawala sa mga biktima kasama yung relo nung ating biktimang lalaki at ito ay nakuha mula doon sa bayaw ng ating suspek,” wika ni Capagcuan.

Makikita sa isang larawn na ang pulang shorts na isinuot ng suspek sa murder ang parehong shorts na suot niya nang magtrabaho ito bilang pool cleaner sa hotel.

Inisyal na sinilip ng mga awtoridad ang paghihiganti bilang motibo ng suspek dahil tinanggal siya sa hotel dahil sa pagnanakaw.

Subalit, iginiit ng mga pulis na malinaw na ngayon na pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

“Pagnanakaw na rin. Ang balita ko nalulong na rin sa online gambling kaya ano na naadik na sa pagnanakaw,” ani Tagaytay Mayor Abraham Tolentino.

“Of course, he’s not the fall guy kasi inamin niya nung sumurrender siya,” dagdag ni Tolentino.

Humingi naman ng paumanhin ang ina ng suspek sa pamilya ng mga biktima.

“Masakit ho sa isang ina ang nangyaring yan. Napakasakit po ‘di ko maisip akalain na mangyari yan. Ipagdarasal ko na lang ho ang nangyari. Ipinagpapasa Diyos ko na lang ho. Humihingi ho ako ng paumanhin sa ginawa ng anak ko,” aniya. RNT/SA