MANILA, Philippines – Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Oktubre 15 ang kamakailan lamang na katatapos na renovation ng Philippine International Convention Center sa pagsasabing ito ay patunay na ang public infrastructure ay dapat na modern, matibay at ginawa upang pagbuklurin ang bansa.
Sa pinakahuling vlog ni Marcos sa kanyang social media accounts, ibinahagi niya ang bagong renovate na PICC na isinakto bago ang pagiging host ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations sa susunod na taon.
Aniya, ang mga repair ay hindi lamang dapat pisikal na magsasagawa ng restoration sa naturang landmark, ngunit isa ring hakbang para payabungin ang kasaysayan, kultura at kagalingan ng mga Filipino.
“Yan ang kalidad ng infrastruktura na dapat matatag, tumatagal. Binuo na may pagtanaw sa kinabukasan,” anang Pangulo.
“May malalim na layunin at hangarin, hindi pang-sarili, kung di para sa ating bansa. Nagbubuklod ng tao at hindi lugar ng hidwahan,” dagdag pa niya.
Ani Marcos, ang ni-renovate na PICC, bukod sa pagiging venue para sa ASEAN summits, ay sasalamin din sa kulturang Pinoy sa maraming paraan.
Ito ay dahil matatagpuan din aniya rito ang iba’t ibang art pieces, paintings, at mga sculpture.
“Our culture is our shared consciousness. It is what we share because we are Filipinos. The art form that we share, that is a Filipino art form. The way that we do our work, the way that we are with each other, that culture, that is our shared consciousness. So, it’s very, very important for us para malaman natin, ano ba ang pagka-Pilipino, ano ba ang Pilipino,” ani Marcos.
“If we can define ourselves as one people, then we can also define the needs of that people and be willing to work together to bring us to the point where we have satisfied the needs of our people. Ganyang kahalaga ang kultura,” dagdag pa niya.
Noong Setyembre, pinangunahan ng pamilya Marcos ang muling pagbubukas ng PICC na isinara sa mga repair bago ang ika-50 anibersaryo nito at ang 2026 ASEAN Summits.
“Kaya marami na naman tayong bisita at panauhin na excited nang makita ang ating bansa. At titiyakin natin na may pagmamalaki naman natin ang Pilipinas na kanilang makikita sa kanilang pagdating,” pagbabahagi ni Marcos.
Natuwa umano siya sa resulta ng major renovation na personal na pinangasiwaan ni First Lady Liza Araneta-Marcos. RNT/JGC