MANILA, Philippines – Niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang Zambales nitong madaling araw ng Huwebes, Oktubre 16.
Sa bulletin, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang lindol ay naitala 2:09 ng madaling araw.
Ang epicenter ng lindol ay naitala walong kilometro hilagang kanluran ng Masinloc at may lalim na 24 kilometro.
Naramdaman ang Intensity IV sa Iba, Intensity III sa Masinloc at Cabangan, Intensity II sa Botolan at San Marcelino habang Intensity I naman ang naramdaman sa Dinalupihan, Orani, at Abucay sa Bataan; Guagua, Pampanga; City of Tarlac, Bamban, at Santa Ignacia, Tarlac; at Subic.
Ilang minuto bago ang magnitude 5.0 na lindol ay iniulat na rin ng PHIVOLCS ang magnitude 3.2 na lindol sa apat na kilometro hilagang kanluran ng Masinloc na may lalim na 24 kilometro.
Noong Oktubre 11, niyanig din ng magnitude 5.0 na lindol ang probinsya. RNT/JGC