MANILA, Philippines – Babalik na sa trabaho sa House of Representatives ngayong linggo si Cavite 4th district Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos ang ikalawa niyang 60-araw na suspensyon dahil sa “disorderly behavior.”
Ang kontrobersyal na mambabatas at anak ng yumaong Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ay magbabalik na sa Kamara sa gitna ng summer break ng Kongreso, kung saan walang plenary sessions hanggang Mayo 4.
Sa kabila ng kanyang imahe sa social media at dalawang sunod na suspensyon na walang sahod mula sa kanyang mga kapwa kongresista, binigyang-diin na ang kanyang legislative output ang magiging batayan ng kanyang karera bilang mambabatas.
Sa kasalukuyang 20th Congress, siya ay principal author ng apat na House bills:
–HB No. 2512 – nagdedeklara ng November 26 bilang special non-working holiday sa Dasmariñas City para sa founding anniversary at “Paru-Paro Festival.”
–HB No. 4945 – naglalayong gawing legal ang absolute divorce sa Pilipinas sa mga kaso ng abuse, infidelity, at seryosong krimen o paglabag sa marital obligations.
–HB No. 5119 – nagmumungkahi ng pag-abolish ng 12% value-added tax (VAT) at paghanap ng alternatibong revenue sources.
–HB No. 6342 – nag-uutos ng mandatory disclosure ng foreign travel ng mga kongresista para sa transparency at accountability.
Bukod dito, co-author din siya sa apat pang panukalang batas na may kinalaman sa English proficiency week, food warning labels, at artificial intelligence at data-driven governance initiatives.
Ang lahat ng walong panukalang batas ay kasalukuyang nasa committee level sa Kamara.
Naunang naaprubahan ang kanyang ikalawang 60-araw na suspensyon noong Pebrero 4, 2026, habang ang unang suspensyon ay mula Disyembre 1, 2025 hanggang Enero 30, 2026. RNT/MND