MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways ang pagkukumpuni sa sirang bahagi ng EDSA-Tramo Flyover sa Pasay City.
Ayon sa DPWH, agad na ipinag-utos ni Secretary Vince Dizon ang pagkukumpuni matapos makatanggap ng ulat tungkol sa nakausling semento sa pader ng flyover na maaaring magdulot ng aksidente at panganib sa publiko.
Nagsimula ang safety setup sa lugar noong Mayo 23, habang sinimulan naman ang civil works at pagtanggal ng sirang konkreto kinabukasan.
Inaasahang matatapos ang repair works sa loob ng tatlong araw alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak ang kaligtasan ng mga pangunahing kalsada at maayos na daloy ng trapiko para sa mga motorista at commuter.
Samantala, pinapabilis din ng DPWH ang clearing at dredging operations sa mga estero at kanal, pati pagpapalawak ng mga daluyan ng tubig sa ilalim ng Oplan Kontra Baha bago magsimula ang tag-ulan sa susunod na buwan.
Ayon kay Dizon, magpapatuloy ang operasyon sa mga mabababang lugar at flood-prone areas upang mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang matinding pagbaha.
Kabilang sa pangunahing tinututukan ng Oplan Kontra Baha ang Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Tarlac, Naga City, at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao tulad ng Cebu, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, at Maguindanao na madalas makaranas ng pagbaha taun-taon. RNT/MND