MANILA, Philippines – Hindi nakikita ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapauwi sa Pilipinas ng mga Filipino sa nangyayaring bakbakan sa border ng Thailand at Cambodia.
Sa kabila nito, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nananatiling handa ang ahensya kasabay ng pagtulong nito sa 251 Pinoy sa pitong lugar malapit sa border.
“Ito ay sitwasyon na hindi sila necessarily illegal doon o biktima ng human trafficking. So they legally work in Thailand and ‘yung mga teachers and faculty supervisors in Cambodia, respectively,” ani Cacdac sa panayam ng GMA News.
“So hindi natin nakikita na magkakaroon ng repatriation. As long as humupa ang sitwasyon ay makakabalik naman sila sa trabaho,” dagdag pa niya.
Ilan sa mga apektadong Pinoy ay tumutuloy sa mga evacuation center habang ang iba ay nasa bahay ng ilang mga kasamahang Filipino.
Wala namang iniulat na nasawing Pinoy sa sagupaan.
Patuloy naman ang pagpapaabot ng tulong ng pamahalaan ng Pilipinas ng financial assistance sa mga apektadong Filipino na karamihan ay mga guro kung saan ang kani-kanilang mga klase ay suspendido dahil sa bakbakan. RNT/JGC