Home OPINION REPORMA NAPAPANAHON NA

REPORMA NAPAPANAHON NA

211
0

SA naganap na Legislative-Executive Development Advisory Council sa Malacañang Palace kamakailan ay kasama sa napag-usapan ang Anti-Political Dynasty Bill na isinusulong ng anim na senador kasama na si Senate Deputy Majority Leader Sen. Risa Hontiveros.

Kaugnay nito, sa naganap na public hearing at forum sa Calamba City, Laguna ay may nagtanong kung ilang porsyento na ba ang posibilidad o tsansa na maipasa ang panukalang batas na ito, sagot ni Senator Risa ay nasa 50% sa ngayon.

Sa isa pang public hearing at forum na ginanap naman sa Bacolod City, Negros Occidental ay may nagtanong na paano raw lulusot ang panukalang batas na ito gayong apat ang magkakapatid sa Senado na senador sa kasalukuyan, ang sagot muli ay isa sa nagsusulong din ng panukalang batas na ito ay galing mismo sa political dynasty ngunit sang-ayon dito dahil anya ay isa na ito sa hinihingi at isinisigaw na gustong pagbabago ng sambayanang Pilipino.

Mismong ang Pangulong Bongbong Marcos ay nagpahayag din sa naganap na LEDAC meeting na maisama ito sa mga prayoridad.

Napapanahon na ang pagbabago sa ating minamahal na bansa dahil mulat at gising na ang marami lalo na ang mga kabataan o Gen Z mula sa isyu ng flood control ghost project na unang ibinunyag ng Pangulo sa kanyang SONA 2025 hanggang sa isyu ng paninindigan sa West Philippine Sea at ngayon naman ay sa isyu ng pagbuwag sa political dynasty.

Sa aking opinyon, ang political dynasty ay nararapat nang mabuwag upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang tao na mahalal lalo at may kakayahan o mas higit pang kaalaman na mamuno kaysa sa mga makapangyarihang angkan o political dynasty na ginawang hanapbuhay ng pamilya ang kapangyarihang pampulitika.

Maging ang partylist sa kasalukuyang panahon ay pinasok na rin ng mga political dynasty nang nagtayo sila ng mga pekeng partylist para lamang magkaroon din ng dagdag pang kapangyarihan ang kanilang pamilya na nagiging daan din ng katiwalian at korapsyon sa burukrasya.

Ayon pa kay Hontiveros, chairperson ng Senate committee on electoral reforms, target nila sa Senado na maipasa ang panukalang batas na ito bago pa matapos ang Marso 2026.

Kung ito ay maging ganap ng batas, isa ito sa magandang legasiyang maiiwan ng Marcos Administration at sa ngalan ng reporma sa pamahalaan na sadyang napapanahon na sa ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here