MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippines Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa inilunsad nitong enhanced Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (PhilHealth GAMOT).
“Bawat piso sa budget na nakalaan para sa kalusugan ay mahalaga para ma-protektahan ang kalusugan ng ating kababayan. Kaya dapat hindi ito naka-tengga at magamit ito para makaligtas ng buhay ng kapwa Pilipino,” ani Go.
Kabilang sa PhilHealth GAMOT ay ang 75 libreng gamot na may taunang benefit limit na P20,000 kada benepisyaryo, ayon sa PhilHealth Circular No. 2005-0013.
Sakop ng mga gamot na ito ang iba’t ibang kondisyon katulad ng infections (anti-microbial), asthma at chronic obstructive pulmonary disease (COPD), diabetes, high cholesterol (dyslipidemia), high blood pressure, and heart conditions (cardiology), at nervous system disorders at iba pang supportive therapies.
Ang mga accredited PhilHealth GAMOT Facilities ay ang Vidacure na may mga branch sa Muntinlupa City at Quezon City; Pharma Gen Ventures Corp (Generika Drugstore) sa mga branch nito sa Paranaque City, Navotas City, Quezon City at Taguig City; at CGD Medical Depot Inc. sa Vertis North Chinese General Hospital.
“Malaking tulong itong PhilHealth GAMOT sa mga mahihirap. Sana ay maparami pa ito at magkaroon sa Visayas at Mindanao,” ipinunto pa ni Go.
Bilang Chairman ng Senate Committee of Health and Demography at bahagi ng kanyang matagal nang krusada sa reporma sa kalusugan, idiniin din ni Go ang pangangailangan na i-maximize ang pondo ng PhilHealth upang masiguro na ang Universal Health Care (UHC) law ay naipatutupad nang buo.
Malugod namang tinanggap ni Go ang hakbang ng PhilHealth na itaas ang E-konsulta coverage mula Php 500 patungong Php 1,700.
Isinusulong din ni Go ang mas mataas na public awareness sa PhilHealth membership, kasabay ng pagtukoy nito sa inihaing Senate Bill No. 170 upang magbigay ng mandato sa pag-iisyu ng PhilHealth IDs.
“Sa ngayon po ang nagpa-rehistro sa E-konsulta program ng PhilHealth is only 27.8 million out of 115 million Filipinos… Dapat may ID or whether i-tie up ito sa national ID… Kahit simpleng papel lang, ipa-laminate n’yo lang, ibigay n’yo po sa ating mga pasyente para alam nila na may Philhealth silang masasandalan kapag nagkasakit,” aniya.
Kung maaalala, ilang beses nang umapela si Senator Go sa nagdaang 14 Senate hearings sa pag-upo bilang Chairman ng Senate Health Committee na nagresulta sa mga reporma sa Philhealth at major enhancements sa benefit packages nito kabilang ang Z Packages for kidney-related illnesses, kung saan ang peritoneal dialysis at kidney transplantation ay makararanas na ng mas matinding suporta.
Dagdag pa, ipinatupad ang mga reporma kabilang ang comprehensive packages for ischemic heart disease, mula sa emergency intervention hanggang sa post-surgery rehabilitation.
Sa ilalim ng pangunguna ni Go, nangako ang PhilHealth na palalawakin ang benefit offerings nito at isinama ang dental services, mental health care, outpatient drug coverage, diagnostic tests katulad ng MRIs at CT scans, at medical transportation services.
Sasakupin din ng coverage ang assistive devices katulad ng wheelchairs at crutches, chemotherapy para sa cancer patients, gamot para sa severe cardiac conditions, at malawak na sakop ng rehabilitation services.
Ngayong buwan ay nagpaalala si Go sa pamahalaan na siguruhin ang implementasyon ng zero balance billing sa mga pampublikong ospital.
Nanawagan din ito sa PhilHealth na palawakin pa ang coverage at madaling access sa mga benepisyo.
“Gamitin sa wasto at sa tama at maibalik ang bawat piso, lalung lalo na sa mahihirap na pasyente. Ang kalusugan po ay katumbas po iyan ng buhay ng bawat Pilipino. The more we should invest in sa ating healthcare system,” pagtatapos ni Go.
Ang Senate Health Committee ay nakatakdang magdaos ng unang public hearing para sa 20th Congress sa Agosto 20. RNT