Home NATIONWIDE Reporma sa pagpapababa ng out of pocket health spending, inirekomenda ng UCHP...

Reporma sa pagpapababa ng out of pocket health spending, inirekomenda ng UCHP experts

Oplus_0

MANILA, Philippines – Nagpulong ang representante ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno, medical societies, patient groups at ilang mga eskuwelahan tungkol sa dalawang research studies na ginawa ng Unilab Center for Health Policy o UCHP na isang programa ng Unilab Foundation.

Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa kauna-unahang Unilab Center for Health Policy (UCHP) Executive Symposium: Evidence and Experience on Investing and Paying for Health — na sinabing kailangan i-modernize ang health care services sa primary care ng laboratory.

Ito aniya ang rason kung bakit ang pag-aaral sa pagbalanse sa pagpopondo sa local health system at ng national hospitals.

Sa nasabing research, lumabas na ayon sa datos ng National Health Accounts magmula 1991 hanggang 2022, tumaas ang inilaang pondo at paggasta o Total Health Expenditures ng ating gobyerno para sa kalusugan ng mga Pilipino na umabot mula P40.3 bilyon nung taong 1991 sa P1.1 trilyon nitong 2022, na masasabing comparable sa ibang bansa sa ASEAN.

Ngunit malaki ang naging epekto ng inflation o pagtaas ng bilihin at ang mabilis na pagtaas ng populasyon sa health spending ng gobyerno para sa bawat Pilipino na umaabot lamang sa humigit kumulang na 3.90% kada taon.

Dahil dito, ang out of pocket expenses o sariling gastos ng mga Pilipino ay umaabot pa rin sa 45% kung saan malaking gastos pa rin ang in patient care o mga serbisyo kapag kinakailangang ma-confine o kailangang pumasok sa health facilities.

Lumabas din ang lumiliit na budget ng mga lokal na pamahalan para sa kalusugan na mahalagang tignan dahil nailipat na ang pagpapatupad ng programa pangkalusugan sa mga LGUs.

“The National Health Accounts is rich resource of information; and seeing how our actions and decisions impact the Filipino household is important in calibrating policies and programs,” sabi ni Dr. Enrique Ona, Chairman ng Advisort Council ng UCHP at dating Health Secretary.

Ang ikalawang research study naman ng UCHP ay patungkol sa PhilHealth. Lumalabas na may potensyal na magkaroon ng improvement ang pagbibigay serbisyo ng ahensya kung gagamitin ang Diagnosis Related Groups o DRG na pamamaraan sa halip na case rates.

Ayon din sa nasabing research, iminumungkahi na dapat may hiwalay na ahensya–ang magpapatupad ng DRG para masigurong mas makakatugon ito sa pangangailangan ng mga tao. Ang DRG ay matagumpay din na ginagamit sa ibang bansa katulad ng Thailand, Australia at Germany. Saklaw rin ito ng Universal Health Care na siyang pinapatupad ng administrasyong Marcos.

Ayon pa kay Herbosa, nais sana niyang maibalik ang lumang sistema na lahat ng public hospital na kapag pumasok ay libre lahat pati ang gamot.

Kaya naman ang DOH ay nagtayo ng BUCAS center o Bagong Urgent Care and Ambulatory Service upang mabawasan ang hidden cost at out-of pocket expenses ng isang pasyente.

Ayon kay Herbosa, target nilang makapagtayo ng 82 na BUCAS center sa buong bansa kung saan mayroon nang 28 centers sa kasalukuyan na libre ang serbisyo.

Patuloy namang makikipag-ugnayan ang UCHP ng Unilab Foundation sa mga ahensya ng gobyerno at mga non-government organizations para sa maigting na paghihimay ng mga importantenmg isyu na may kinalaman sa Universal Health Care at agarang pagpapatupad ng mga aksyon na maaring makatulong para sa maayos na pagpapalakd nito.

Ang UCHP ay isang program na nagbibigay ng platform para sa isang collaborative at evidence-based policy laboratory para sa layunin ng universal health care.

Ito rin ay nagpapakita ng mga natukoy na health services delivery models sa pamamagitan ng pilot projects na batay s adatos at batay sa kadalubhasaan at karanasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden