MANILA, Philippines – Pinayagan ng korte ang hiling ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa medical checkup ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa isang ospital.
“Naka-receive po kami ng court order para makapag pa-checkup siya,” sinabi ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera sa press briefing nitong Miyerkules, Oktubre 2.
Ani Bustinera, pinangunahan na ng BJMP ang request dahil sa pangamba ng posibleng lung infection.
“Just to make sure kasi ito po ‘yung concern during the last Senate hearing na pinarating din ng mga senators natin na baka much better daw po kung pwedeng ipa-checkup siya,” aniya.
Nakikipag-ugnayan pa ang BJMP sa iskedyul ni Guo sa ospital.
Aalamin din kung payag pa rin si Guo na magpacheck-up.
“Kasi, so far, healthy naman siya. Wala namang other health concerns na noted ang BJMP doctor natin,” sinabi pa ni Bustinera.
Si Guo ay nahaharap sa tax evasion complaint at 87 counts dahil sa money laundering sa Justice Department. RNT/JGC