MANILA, Philippines- Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa P24 milyong textbook procurement anomaly noong 1998 na una nang itinuring na patay.
Si Mary Ann Maslog ay nadakip noong Setyembre 25 matapos makatanggap ng reklamo tungkol sa isang Jessica Francisco.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng awtoridad na si Maslog at Francisco ay parehong tao sa pamamagitan ng fingerprint matching.
“As far as she is concerned, ang alam ng Sandiganbayan, patay na siya. But nung may mag-reklamo sa amin about Dr. Jessica Francisco…we found out that Mary Ann Maslog and Jessica Francisco are the one and the same person,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago.
Kinasuhan si Maslog na publishing company agent at dalawang opisyal ng Department of Education, Culture, and Sports (na ngayon ay Department of Education) ng graft na my kaugnayan sa scam.
Nauna nang sinabi ng Office of the Ombudsman na ang dalawang opisyal ng DECS ang nagproseso at nag-apruba ng mga dokumento ng P24-million supply contract para sa mga textbook na pabor sa Esteem Enterprises na kinatawan ng Maslog.
Ang dalawang dating opisyal ng edukasyon ay sinentensyahan ng hanggang 10 taong pagkakakulong noong 2020. Habang ang kaso laban kay Maslog ay iniutos na ibasura dahil sa umano’y pagkamatay nito noong 2019. Jocelyn Tabangcura-Domenden