Home NATIONWIDE Resbak ni De Lima inihahanda na

Resbak ni De Lima inihahanda na

MANILA, Philippines – Isinasaalang-alang ni dating Senador Leila de Lima ang legal na aksyon para panagutin ang mga indibidwal na umano’y nasa likod ng kanyang pagkakakulong dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Sa isang panayam, sinabi ni De Lima na nakaramdam siya ng “kapayapaan” kasunod ng pagpapawalang-sala sa kanyang ikatlo at huling nakabinbing kaso sa droga.

Sinabi ni De Lima na tinitingnan niya at ng kanyang abogado kung paano papanagutin sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, at iba pang mga taong nasa likod ng kanyang pitong taong pagkakakulong.

“’Yung mga nag-operate sa akin kasi in-operate nila ako. Pinilit nila ‘yung mga Bilibid witnesses na imbento lang ang mga kuwento tungkol sa pagkakasangkot ko umano sa illegal drug trading inside Bilibid,” dagdag pa niya.

Nakalaya sa piyansa ang dating senador noong Nobyembre 2023 matapos makulong sa Camp Crame mula noong Pebrero 2017 dahil sa mga alegasyon sa droga.

Ang kanyang unang pagpapawalang-sala ay dumating noong Pebrero 2021 nang ibasura ng Muntinlupa City RTC-Branch 205 ang isa sa kanyang tatlong kaso.

Noong Mayo 2023, pinawalang-sala ng Muntinlupa RTC Branch 204 sina De Lima at Ronnie Dayan, ang kanyang kapwa akusado at dating bodyguard, sa kasong illegal drug trading sa batayan ng reasonable doubt.

Nauna rito, ibinasura rin ng korte sa Quezon City ang dalawang kaso ng pagsuway ni De Lima.

Muli namang iginiit ni De Lima ang kanyang pagpayag na tumulong sa International Criminal Court (ICC) sa imbestigasyon nito sa kontrobersyal na drug war. RNT