MANILA, Philippines- Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng isang resolusyon na nagpapahayag ng pakikidalamhati ng Senado sa pamilya at mga kaibigan ng batikan at multi-awarded na broadcast journalist na si Miguel “Mike” Enriquez na pumanaw noong Martes.
Sa kanyang Senate Resolution No. 770, pinuri ni Estrada ang naging kontribusyon ni Enriquez sa pamamahayag at broadcast communication.
“Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan lalo na sa propesyon ng pamamahayag at broadcasting industry na kasalukuyang nasa ilalim ng disinformation, fake news at iba pang masamang epekto ng digital media age,” sabi ni Estrada.
Sa kanyang 54-taong karera bilang isang pinagkakatiwalaang personalidad sa radyo at telebisyon, nakakuha ng maraming pagkilala si Enriquez mula sa mga lokal at international na award-giving bodies.
“Ang tatak ng boses ni Enriquez pati na ang kanyang natatanging istilo ng paghahatid ng balita at matatapang na komentaryo ay naging bahagi ng maraming tahanan ng mga Pilipino at humubog sa kamalayan ng mamamayan tungkol sa mga isyu ng lipunan at kasalukuyang pangyayari,” sabi ng senador.
Aniya pa, naipamalas ng beteranong mamahayag ang kanyang dedikasyon sa serbisyong publiko nang bumalik siya sa ere noong Marso ng nakaraang taon para sa 2022 National and Local Elections special coverage ng kanyang home network pagkatapos sumailalim sa isang medical procedure at pagdaanan ang ilang isyu sa kalusugan.
Nagsilbi si Enriquez bilang president, senior vice president sa RGMA Network Inc. at consultant para sa mga operasyon sa radyo bukod sa kanyang papel bilang host ng mga programa sa public affairs programs at radio shows ng GMA Network.
“Ang kanyang natatanging gawaing propesyonal at hindi mapapantayang integridad ay dapat maging inspirasyon sa mga bagong mass media practitioners at mga nakababatang henerasyon upang itaguyod ang kahusayan at mahasa ang kanilang mga gawain nang may layunin at pagiging masigasig,” sabi ni Estrada.
Pumanaw si Enriquez noong ika-29 ng Agosto, 2023, sa edad na 71. Ernie Reyes