Home NATIONWIDE Resource persons ng task force EJK pwedeng gawing state witness – DOJ

Resource persons ng task force EJK pwedeng gawing state witness – DOJ

MANILA, Philippines- Gagamitin bilang testigo ang mga ipatatawag na resource persons ng Department of Justice na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings (EJKs) na naganap sa panahon ng administrasyong Duterte.

Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na posibleng gamitin bilang state witness ang resource persons kung kinakailangan ang kanilang mga testimonya para masiguro na mahahatulan ang mga nagkasala.

Kakausapin aniya ng DOJ ang mga may nalalaman sa pagkamatay ng tatlong Chinese nationals na hinatulan sa kasong droga at pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.

Sinabi ni Andres na pagsasamahin ang committee report at ang magiging resulta ng imbestigasyon ng EJK task force.

Inihayag ni Andres na bukod sa kasong murder ay pinag-aaralan din ng task force ang posibleng paglabag sa international humanitarian law at crimes against humanity.

Kinakailangan aniyang magkaroon ng “airtight case” lalo pa at malaking tao ang sangkot sa kaso.

Tiniyak naman ng DOJ na magiging patas ito sa imbestigasyon at tanging pagbabasehan lamang ang mga ebidensya na mailalabas.

Samantala, hinikayat ni Andres ang mga posibleng maging testigo na lumantad na at magtungo sa DOJ.

Handa umano ang witness protection program ng DOJ para protektahan ang mga testigo upang maisakatuparan ang hustisya. Teresa Tavares