Home OPINION SALUDO SA MGA TUMANGGAP NG GAWAD PILIPINO AWARD 2024

SALUDO SA MGA TUMANGGAP NG GAWAD PILIPINO AWARD 2024

ANG mga pagkilala at pagpaparangal ay isang magandang layunin at gawain upang maitampok o maitanghal ang mga karapat-dapat na kilalanin at parangalan na indibidwal o grupo sa ating lipunan na may nagagawang kabutihan para sa ating mamamayan o bayan.

Kung ang isang indibidwal o grupo ay kinilala at pinarangalan dahil sa kanyang mabubuting nagagawa ay lalo pa siyang mai-inspire na magpatuloy sa paggawa nang mabuti habang magiging idolo at inspirasyon naman siya o sila ng kanilang kapwa para gayahin na gumawa rin ng mabuti sa kapwa o sa bayan.

Kamakailan ay ginanap ang taunang prestihiyosong gawad parangal na Gawad Pilipino Lingkod Bayan Awards 2024 sa AFP Commissioned Officers Club House sa Tejeros Hall, Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City. Ang prestihiyosong gawad parangal na ito ay natatanging pagkilala sa mga Pilipino na nakagawa ng mabuti, ng kabayanihan at kahusayan sa iba’t-ibang larangan. Ang Chairman ng Gawad Pilipino Awards ay si Dr. Danilo B. Mangahas.

Ang ilan sa mga kategorya ng pakilala o gawad ay ang mga sumusunod; Outstanding Public Servants Officials, Outstanding Senators, Outstanding Congressman and Congresswoman, Outstanding Legislators, Outstanding Governors, Outstanding Vice Governors, Outstanding Board Members, Outstanding City Mayors, Outstanding Municipal Mayors, Outstanding City Vice Mayors, Outstanding Municipal Vice Mayors, Oustanding City Councilors, Outstanding Municipal Councilors, Outstanding Barangay Captains, Top Socio-Civic Leaders, Top Partylist Group, Top Non-Government Organizations at iba pa. Mayroon ding pakilala na Gawad Gintong Obra, Outstanding Educators, Outstanding Uniformed Personnel, Outstanding Socio-Civic, Outstanding Journalists at iba pa.

Samantala, hindi na kataka-taka kung kinilala bilang Outstanding Senator of the Philippines si Senator Risa Hontiveros dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtindig sa ngalan ng katotohanan, katarungan at katuwiran ng lipunang Pilipino sa iba’t-ibang isyu at usaping bayan gayon din sa pagtatanggol sa patrimonya at soberanya ng bansa gaya sa usapin sa West Philippine Sea.

Ilan pa sa kinilalang Outstanding Senators ay sina Senators Bong Go, Win Gatchalian, Joel Villanueva, Koko Pimentel, Bong Revilla, Mark Villar at Imee Marcos.

Tatlo namang Kabitenyo ang napasama sa kinilalang Outstanding Barangay Captain – Kapitan Virgilio ‘Action Man’ Fidel ng Brgy. Calumpang Cerca, Indang; Kapitan Kristopher Romen ng Brgy. Kaytambog, Indang at Kapitan Junmar Talatala ng Brgy. Bulihan, Silang.

Ako, bilang taga Indang, Cavite ay kilalang-kilala ko sina Kapitan Vergel Fidel at Kapitan Kristopher Romen na pawang mga kaibigan ko pa sapagkat pagdating sa serbisyo sa kanilang nasasakupan ay tunay na aktibo at epektibo silang mga lokal na lingkod-baranggay.

Si Kapitan Vergel Fidel na siya ring ABC President ng Indang, Cavite ay hindi na lamang kabarangay niya ang natutulugan kundi ang buong bayan ng Indang at iba pang lugar sa mga programa at proyekto niya mula sa kanyang sariling bulsa katulad ng libreng birthday cake sa mga senior citizens, libreng hatid sundo sa airport sa mga OFWs, libreng dialysis sa mga may CKD patients, hospital assistance thru guarantee letter sa mga kaibigan niyang senador na sina Hontiveros, Marcos, Revilla at Senator Francis Tolentino, idagdag pa ang pagbibigay niya ng relief goods at bigas sa mga nasalanta ng bagyo sa Norte at sa Bicol at ang pamimigay niya ng pamasko sa mga mahihirap sa Bicol ng mga nakaraang taon.

Ganoon din naman si Kapitan Kristopher Romen na mas napaayos, napalinis at napaganda ang kanilang barangay, at paglulunsad ng mga medical missions at gift givings sa kanyang mga kabarangay at ibang lugar mula sa kanya ng sarili ring bulsa at tulong ng mga NGOs na kaniyang kinaaaniban katulad ng Eagles Club.

Congratulations and salute sa inyo ng lahat na mga kinilala at pinarangalan ng Gawad Pilipino Awards 2024, ipagpatuloy ninyo ang inyong mabubuting nagagawa para sa bayan at nawa ay maging inspirasyon at pamarisan kayo ng iyong mga kapwa lingkod-bayan sapagkat kayo ay nagsisilbing dangal at karangalan ng sambayanang Pilipino at ng ating bayan. Kasihan pa kayo ng Poong Maykapal.

Maligayang Pasko sa ating lahat.