INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang Budget Circular No. 2024-5 na nagtatakda ng mas mataas na suweldo ng mga sikolohistang namamasukan sa pamahalaan na magiging epektibo ngayong Enero 1, 2025.
Ang pagtaas ng suweldo ay naglalayong palakasin ang mga inklusibong at epektibong programa sa kalusugang pangkaisipan para sa lahat ng empleyado ng pamahalaan, na alinsunod sa adyenda ng Marcos administration na bigyang-prayoridad ang kalusugang pangkaisipan.
Ayon sa inilabas na budget circular, ang mga posisyon ng Psychologist ay maitataas mula salary grade (SG) 11 hanggang (SG) 16 na may suweldong Php 28,512 (step 1) hanggang Php 41,616 (step 1) mula sa dating Php 25,000.
Ang mga posisyong Psychologist II naman ay aakyat sa SG 18 o Php 49,015 (step 1), at ang Psychologist III ay SG 20 o Php 52,703 (step 1).
Ipinahayag din ng DBM ang kahalagahan ng mga kwalipikasyon para sa mga tungkulin, kabilang ang master’s degree at hindi bababa sa 200 oras ng internship, upang matiyak na ang mga sikolohistang nasa pamahalaan ay makakamtan ang mga pamantayan na kinakailangan upang maghatid ng dekalidad na serbisyong pangkalusugang pangkaisipan.
Umaasa ang kagawaran na ang ginawang adjustment ay mag-uudyok sa mas maraming mga propesyonal na sumali sa serbisyo publiko at higit pang mapabuti ang kalusugang pangkaisipan ng mga empleyado ng pamahalaan.
Base sa datos, kulang ang mga sikolohistang nagtatrabaho sa pamahalaan, ang ratio sa kasalukuyan ay isang psychologist sa bawat 100,000 na Filipino.
Dito sa Pilipinas, pangunahing institusyong nilalapitan ng mga taong may karamdaman sa pag-iisip o may depression ay ang National Center for Mental Health o ang NCMH na matatagpuan sa Mandaluyong City. Nalikha ito sa bisa ng Public Work Act 3258 na nagbukas noong December 17, 1928 at unang kinilala bilang Insular Psychopathic Hospital.
Noong ika-12 ng Oktubre 2023, inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mental health benefits package para sa outpatient services at sinaksihan ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang pagpasok sa isang kontrata ni Vice President for NCR Dr. Bernadette Lico sa National Center for Mental Health sa pangunguna ni Dr. Noel Reyes para sa pagpapatupad ng outpatient mental health benefits package.
Kinilala ang Republic Act No. 11036 bilang Mental Health Act, namamahala sa compulsory treatment ng mga taong may sakit sa pag-iisip. Bilang namamahala ng mga serbisyong pangkalusugan, ang PhilHealth ay ipinag-uutos na magbigay at mapabuti ang kalusugan saklaw ng mga serbisyo sa lahat ng Pilipino anuman ang katayuang sosyo-ekonomiko.