DAPAT na hayaan ng International Criminal Court (ICC) ang Piipinas sa isinasagawa nitong imbestigasyon hinggil sa kontrobersiyal na anti-drug campaign sa ilalim ng Duterte administration.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang ICC ang dapat na tumutulong sa imbestigasyon ng gobyerno at “not the other way around.”
“Ang sinasabi lang ng Philippine government ay huwag ninyo na kaming isama pa diyan, huwag ninyo na kaming asahan pang tumulong sa imbestigasyon ninyo kasi kami ay nag-iimbestiga on our own,” ang sinabi ni Guevarra sa Bagong Pilipinas Ngayon news forum.
“Kung gusto ninyo, ito ngang posisyon ko ha, kung gusto ninyo na makatulong, kayo ang sumuporta sa investigation ng Philippine government, hindi kami ang tutulong sa inyo,” dagdag na pahayag ni Guevarra.
“Baligtarin natin, kayong ICC kung ano ang mayroon kayo, ibigay ninyo sa Philippine government para kami ang makapag-prosecute kung sino ang dapat i-prosecute, not the other way around,” anito.
Ayon kay Guevarra, hindi naman lingid sa kanyang kaalaman ang report ng mga tao mula sa ICC na pumapasok sa bansa, subalit sinabi nito na naiintindihan ng gobyerno ng Pilipinas ang mandato ng international court.
“Well, we have heard reports na in fact ay labas-pasok na dito ang mga taga-ICC ‘no, pero wala namang kahit sino sa kanila na pinigilan ng immigration na pumasok dito dahil hindi naman natin pinagbabawalan, na kung iyan ang mandato ninyo na mag-imbestiga, mag-imbestiga kayo,” ani Guevarra.
Matatandaang inalis ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2018. Ang withdrawal ay naging epektibo noong 2019, matapos na magsimula ang ICC ng preliminary probe nito sa drug war ng dating administrasyon.
Naglunsad kasi ng kanyang war on drugs si Digong Duterte bilang isang campaign policy para alisin ang drug menace sa bansa.
Sa naging pagpapasya ng Korte Suprema noong 2021, sinasabing may obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC sa kabila ng pagkalas nito mula sa Rome Statute. Tinukoy ng Korte Suprema ang probisyon ng statute na ang pag-alis ng bansa ay hindi makaaapekto sa criminal proceedings na may kinalaman sa “acts that occurred when a country was still a state party.”
Gayunman, iginiit ni Guevarra na ang pagkalas ng Pilipinas ay nangangahulugan na hindi obligado ang gobyerno na makipagtulungan sa ICC.
“Kaya hindi kumibo, hindi nag-react ang Philippine government doon sa request na iyon for cooperation dahil nga iyon ang ating position. We have no legal duty to cooperate anymore,” ang sinabi ni Guevarra.
“Gusto ninyo, magpatuloy kayo kung anong gusto ninyong imbestigasyon na gawin on your own. Pero huwag ninyo nang hilingin pa na pati ang gobyerno ay tutulong sa inyo sa inyong imbestigasyon kasi we have our own system of investigation here,” ang sinabi pa rin ni Guevarra.
Samantala, base sa rekord ng gobyerno, mahigit sa 6,000 drug suspects ang napaslang sa panahon ng anti-illegal drug operations ng administrasyong Duterte. Gayunman, ang nasaving bilang ay maaaring umabot sa 30,000 dahil sa ‘unreported related deaths.’ Kris Jose